ni ALMAR DANGUILAN
SA KABILA ng ipinatutupad na checkpoints ng Quezon City Police District (QCPD) bilang pagpapatupad ng gun ban ng Commission on Elections (COMELEC), nalusutan ng riding in tandem ang pulisya na malayang tinambangan at napatay ang 55-anyos tricycle driver habang sugatan ang dalawang babaeng pasahero sa lungsod kahapon, Martes ng umaga.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktimang napaslang ay kinilalang si Namer Baraquel Ariate, 55 anyos, residente sa Road 8, Sitio Kumunoy, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Sugatan ang mga pasahero niyang sina Josefa Apolonia Lopez, 40 anyos, ng Road 6, UPNA Cmpd., Brgy. Bagong Silangan; at Lilibeth Lopez, 30, nakatira sa Road 9 Extn, Brgy. Bagong Silangan, QC.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang 6:30 am, kahapon, Setyembre 26, nang maganap ang insidente sa kanto ng Sampaguita at Santan streets sa Brgy. Payatas, QC.
Ayon sa pulisya, habang minamaneho ni Ariate ang kaniyang tricycle patungong IBP Road, biglang sumulpot ang dalawang suspek pagsapit sa kanto ng kalye Santan at Sampaguita.
Agad bumaba sa motorsiklo ang isa sa mga suspek saka malapitang pinagbabaril si Ariate.
Nang duguang bumulagta si Ariate ay agad sumakay ang suspek sa motorsiklo at tumakas.
Samantala, tinamaan ng ligaw na bala ang dalawang babaeng pasahero na kasalukuyang ginagamot sa East Avenue Medical Center (EAMC) habang idineklarang dead on arrival si Ariate sa nasabing ospital.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang mga salarin.