INILUNSAD kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang malawakang kampanya laban sa karahasan o gender-based sexual harassment na nararanasan sa mga pampublikong lugar at sasakyan.
Pinasinayaan ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III ang pagpapakilala sa Memorandum Circular No. 2023-016 na siyang tumutugon laban sa karahasan sa mga pampublikong sasakyan, alinsunod sa Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act.
Ayon kay Chairperson Guadiz, hindi lamang sa piling lugar nararapat isulong ang kampanya laban sa karahasan kundi maging sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.
“Modernized man o hindi, wala pong lugar sa ating mga pampublikong sasakyan ang anomang uri ng karahasan,” pahayag ni Guadiz.
“Hindi kailanman magiging lisensiya o prankisa ang katayuan mo sa iyong buhay o maging ang iyong gender para iparanas ang karahasan sa ating mga komyuter, operator, at tsuper ng mga pampublikong sasakyan,” dagdag nito.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-016 o ang “Implementation of Safe Spaces Act involving Public Land Transportation Services,” mariing kinokondena at ipinagbabawal ng ahensiya ang gender-based sexual harassment.
Kabilang dito ang pagmumura, catcalling, wolf-whistling, at iba pang misogynistic, transphobic, homophobic, o sexist na pahayag.
Kaugnay nito, ipinapaalala ng LTFRB na ang lumabag sa memorandum at sa batas hinggil sa Safe Spaces Act ay maaaring patawan ng multa o kaukulang parusa. (ALMAR DANGUILAN)