SIPAT
ni Mat Vicencio
SILIP NA SILIP ang diskarte ng mga tusong politikong gustong gamitin at pakinabangan na naman si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at pilit na kinukumbinsi na magbalik sa mundo ng politika.
Sa isang simpleng kumustahan at kuwentohan, kamakailan, sa pangunguna ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kasama sina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dating Executive Secretary Salvador Medialdea, at Senator Bong Go, nangyari ang panghihikayat kay Digong.
“Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi ni dating Pangulong Arroyo si dating Pangulong Duterte na maging aktibong muli sa politika,” pagbubunyag ni Go.
Wala mang sinasabing dahilan si GMA sa kanyang panawagan, marami naman ang naniniwalang malaking tulong sa isang politiko kung magbabalik-politika at tatakbong senador si Digong sa darating na 2025 midterm elections.
Siguradong panalo sa senatorial race si Digong. Kaya maraming politiko ang patuloy na sumusulsol kay Digong na tumakbo sa halalan dahil gagamitin nila ito sa kanilang kandidatura.
At hindi ba kaduda-duda ang ginagawang sunod-sunod na senatorial survey ng iba’t ibang research firm na kadalasang resulta ay laging number one sa ‘Magic 12’ si Digong?
Kaya nga, malinaw na talagang ‘inuurot’ nila si Digong para mapilitang tumakbo sa Senado.
Sino ba naman kasi ang politikong tatangging mangampanya na kasama si Digong sa ibabaw ng entablado?
Hindi rin naman mapapasubalian na hanggang sa ngayon ay popular si Digong at marami ang nagsasabing ang ‘Duterte magic’ ay may bisa pa rin at ang kanyang basbas ay magiging daan para manalo ang isang kandidato.
At tiyak ang makikinabang sa gagawin ni Digong ay sina Senators Bato dela Rosa, Francis Tolentino, Imee Marcos, Bong Go, at Pia Cayetano na pawang inendoso ng dating pangulo noong 2019 elections.
Ang suwerte naman ng limang senador, kung magpapabola si Digong! (30)