ARESTADo ng anti-narcotics agents ng gobyerno ang isang babae na sinasabing maramihan kung magtulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Meycauayan City, Bulacan.
Sa inilabas na pahayag mula sa Philippine Drug Enforcement Agency {PDEA}, ang naaresto ay kinilalang si Lorna Salvador, 38, ng Barangay Panginay, Balagtas, Bulacan.
Si Salvador ay nakatala bilang high value target {HVT} dahil ito ay maramihang nagkakalat o “bulk distributor” ng iligal na droga sa Bulacan.
Ayon sa ulat, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa tipster, ang mga operatiba ay nagsagawa ng plano kung saan si Salvador ay kumagat sa pain at nagbenta ng 5 gramo ng shabu na may halagang P340,000 sa isang under cover agent na nagresulta sa kanyang pagkaaresto sa Barangay Malhacan, Meyucauayan City.
Ang narekober na kontabando ay dinala sa PDEA Regional Office 3 laboratory section “for quantitative and qualitative anaysis”.
Si Salvador ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) ng Republic Act (RA) 9165 na kilala din bilang “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.’’
Ang operasyon ay isinagawa ng PDEA Bulacan Provincial Office, PDEA Bataan Provincial Office at Philippine National Police (PNP). (MICKA BAUTISTA)