RATED R
ni Rommel Gonzales
MULI na namang ipinamalas ng GMA Public Affairs ang husay sa paggawa ng mga dokumentaryo sa Secret Slaves: A Jessica Soho Special Report on Human Trafficking na ipinalabas noong September 10. Bukod sa mataas na ratings ay trending din ito online. Isa nga ito sa top trending topics sa X noong Sunday.
Ayon sa viewers at netizens, talagang eye-opener ang dokumentaryong ito sa iba’t ibang kuwento ng pang-aalipin at pang-aabusong nangyayari sa likod ng madilim na mundo ng human trafficking, cybersex, pati na rin illegal organ trade.
Dahil sa komprehensibong report, makikita na talagang maraming alarming na nangyayari sa mga kapwa natin Filipino na nakakubli lamang dahil hindi pinapansin ng nakararami. Talagang dapat ding palakpakan sina Jessica Soho, Emil Sumagil, at John Consulta at ang buong team sa likod ng docu special sa kanilang effort at tapang na subukang ma-rescue ang mga biktima. Ganito ang klase ng reporting na kailangan sa panahon ngayon — naglalahad ng katotohanan habang umaaksiyon.