SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SINAMPAHAN ng kasong kriminal sina Vice Ganda at Ion Perez ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) kaugnay ng umano’y “indecent acts” na ginawa nila sa It’s Showtime.
Sa official statement na ipinadala ng KSMBPI sa Hataw inilahad nila ang ukol sa pagsasampa ng kaso laban kina Vice at Ion.
Ito ay ukol sa pagsubo ng icing nina Ion at Vice gamit ang daliri sa “Isip Bata” segment ng kanilang show na ipinalabas noong July 25.
Sa pangunguna ni Atty. Leo Olarte, nagtungo ang KSBMBPI sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Lunes, September 11, para pormal na magsampa ng reklamo laban sa dalawang host ng It’s Showtime.
Anang sa KSMBPI, kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code—na may kinalaman sa Section 6 ng Article 201 at sa Republic Act No.10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012, ang isinampa nila laban sa dalawa.
Bago ito’y sinuportahan nila ang ginawang aksiyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), suspension ng 12araw, kasabay ang pakikipagpulong kay Chairperson Lala Sotto.
Inihayag nila na handa silang makipagtulungan sa MTRCB para mapigilan at maiwasan ang mga immoral content sa noontime show.
Ibinahagi pa nila ang isang picture kasama nila si Chair Lala at may caption na, “Signing of the Memorandum of Agreement between SPIN MEDIA and the Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. at the National Office of MTRCB last August 24, 2023 followed by a special meeting with MTRCB Chairperson Lala Sotto discussing the proliferation of immoral contents in some of the noontime TV shows and how we can support MTRCB in raising the public awareness and action to address moral decay in the entertainment industry. SPIN MEDIA now is an official affiliate of KSMBPI.”
Iginiit din ng KSMBPI na independent private advocacy organization sila. Hindi rin sila inimpluwensiyahan ng MTRCB para magdemanda.
Bukas ang Hataw sa pahayag na ibabahagi nina Vice at Ion gayundin ng ABS-CBN at buong production ng It’s Showtime.