MAGKAKASUNOD na nadakip ang walong indibiduwal na pawang inakusahang lumabag sa batas sa operasyon ikinasa ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 10 Setyembre.
Sa isinagawangb buybust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Angat MPS, inaresto ang suspek na kinilalang si Kenneth Santos alyas Pito, 25 anyos, at residente ng Brgy. Poblacion, sa bayn ng Bustos.
Arestado si alyas Pito sa pagtutulak ng ilegal na droga kung saan nakumpiska mula sa kanya ang tatlong pakete ng plastik ng hinihinalang shabu, sari-saring drug paraphernalia, at buybust money.
Kasunod nito, nasakote ang tatlong wanted persons sa inilatag na manhunt operations ng tracker team ng 2nd Bulacan Provincial Mobile Force Company at Baliuag CPS.
Inaresto sa bisa ng mga warrant of arrest ang mga suspek na kinilalang sina Reynanto Salmo, para sa kasong Rape sa Brgy. Pagala, Baliwag; Jayson Pabon, sa kasong Theft sa Brgy. Kaypian, San Jose Del Monte; at Jude Alegando, sa kasong Unjust Vexation sa Brgy. Citrus, San Jose Del Monte.
Samantala, timbog ang apat na inidibdwal nang rumesponde ang mga tauhan ng Meycauayan, Plaridel, at Marilao C/MPS sa iba’t ibang insidente ng krimen.
Kinilala ang mga suspek na sina Ryan Jacinto, para sa kasong Qualified Theft sa Brgy. Camalig, Meycauayan; Honey Mary Rose Puyat, para sa kasong Qualified Theft sa Brgy. Bulihan, Plaridel; alyas PJ para sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Brgy. Culianin, Plaridel; at Edsen Dela Cruz para sa kasong Theft sa Brgy. Loma de Gato, Marilao.
Ayon kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, ang kanilang kapulisan ay laging handa sa pagbaka sa lahat ng uri ng krimen sa lalawigan alinsunod sa direktiba mula sa Chief PNP, na epektibo at malinaw na ipinatutupad ni PNP Region 3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)