Sa layuning magbigay liwanag sa isang madilim na kabanata ng kasaysayan, magpapalabas sa Ika-5 SINEliksik Docufest ng 21 dokumentaryo na magtatanghal sa pakikibaka para sa kapayapaan at kaligtasan ng mga Bulakenyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII) sa kanilang Premiere Showing sa Nicanor Abelardo Auditorium, Hiyas ng Bulacan Cultural Center, lungsod ng Malolos ngayong Lunes, 11 Setyembre na magsisimula ng 8:00 ng umaga.
Nakaangkla sa temang “Pagsubok at Pagtindig noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig”, anim na lahok para sa Junior Category at 15 para sa Senior Category ang magpapakita ng mga personalidad, kaganapan, estruktura at gusali, at iba pang bagay na may kinalaman sa lokal na kasaysayan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa lalawigan.
Naniniwala si Gob. Daniel Fernando na mahalagang maidokumento ang mga tagpo ng mga Bulakenyo noong WWII ngayon habang buhay pa at personal na mahahayag ng mga tao ang kanilang sariling kwento.
“Ibabalik natin ang gunita ng kasaysayan nang panahong ito upang maikintal sa ating isipan na kung tayo man ay subukin, tayo rin ay sama-samang titindig tungo sa ikabubuti at ikadadakila ng ating bansa,” anang gobernador.
Samantala, kikilalanin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office ang mga nagwagi sa docufest sa kanilang Awards Night sa Martes, 12 Setyembre, dakong 5:00 ng hapon sa kaparehong lugar.
Kabilang sa listahan ng mga parangal ang Best Documentary, Special Jury Prize, Best Research, Best Cinematography, Best Editing, Best Documentary Script, Best Poster, at Best Trailer para sa Senior Category; at una hanggang ikatlong gantimpala, Best Poster, at Best Trailer para sa Junior Category.
Ang Ikalimang SINEliksik Docufest ay bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival 2023 na may temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana”. (Micka Bautista)