ni ALMAR DANGUILAN
MARIING inihayag ni Mody Floranda, pangulo ng Pinagka-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), hindi sapat ang “one-time fuel subsidy” na ipapamahagi ng pamahalaan para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Ayon kay Floranda, ‘pamatid-uhaw’ lang para sa kanila ang P6,500 hanggang P10,000 fuel subsidy.
Giit niya, ang nasabing halaga ay apat na araw lamang gagamitin ng mga driver at operator, lalo na kung nagkakarga ng 30 litro ng petrolyo kada araw.
Aniya, aabot sa higit P100 ang nawawalang kita ng mga tsuper kada araw dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo o P3,000 sa loob ng 25-araw.
Muling inulit ng pangulo ng PISTON, na mas makatutulong sa kanila kung isinasaalang-alang ng pamahalaan ang pagrebyu sa mga probisyon o kaya’y tuluyang pagbabasura sa Oil Deregulation Law.
Una nang ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) na madaliin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga benepisaryo, matapos aprobahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P3 bilyong pondo para rito. (ALMAR DANGUILAN)