HINDI nakalusot sa kalaboso ang dalawang empleyado ng isang local agency matapos nang palabasin na ang perang P213,684.39 na ipinababayad ng kanilang amo sa health insurance ay hinoldap umano sa Quezon City, batay sa ulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD)- Kamuning Police Station (PS 10) chief, P/Lt. Col. Robert Amoranto, ang mga suspek na sina Rosauro Imson, 55 anyos, ng Alonso St., Brgy Daang-Hari, Navotas City, at Abel Yabut, 29, ng Masbate St., Brgy. Nayong Kanluran, Quezon City.
Nauna rito, dakong 1:00 pm noong Lunes, 4 Setyembre, ipinagkatiwala ng biktimang si Trisha Sios-e ang isang tseke na nagkakahalaga ng P213,684.39 kay Imson para ipambayad sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) mula sa kanilang tanggapan ng Ikey Local Agency, Corp., matatagpuan sa Quezon Avenue, Brgy. Sta. Cruz, sa lungsod.
Ngunit dakong 4:00, nagbalik si Yabut at sinabi sa kaniyang amo na naholdap sila at natangay ang na-withdraw nilang pera.
Agad humingi ng tulong si Sios-e sa mga tauhan ng QCPD PS10 na mabilis na nagresponde.
Namataan ng mga awtoridad si Yabut sa Panay Avenue, kanto ng Sgt. Esguerra, Brgy. South Triangle, na agad namang inamin na ang nasabing halaga ay nasa pag-iingat ni Imson, na paglaon ay nadakip din.
Inihahanda na ang kasong Qualified Theft laban sa dalawang suspek. (ALMAR DANGUILAN)