NASUKOL ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) ang 25-anyos Chinese national na nagtatago sa batas, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano ang nasukol na dayuhan, kinilalang si Chenglong Xu, ay nagtago sa batas nang masangkot sa kaso ng pagdukot sa kanyang kababayan.
Nasukol ng mga tauhan ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (IS-DMFB) ng SPD sa Quirino Ave., Brgy. Tambo dakong 6:30 pm ang dayuhan matapos ang ginawang intelligence monitoring at surveillance operation ng mga operatiba sa mga lugar na madalas niyang puntahan.
Ayon kay SPD director B/Gen. Mariano, naisilbi ng kanyang mga tauhan ang inilabas na warrant of arrest ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Leilani Marie N. Dacanay-Grimares ng Branch 294 laban kay Xu sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa ilalim ng Art. 267 ng Revised Penal Code ng R.A. 7659. (GINA GARCIA)