TULUYANG nahulog sa kamay ng batas ang itinuturing na most wanted criminal sa Bulacan nang maaresto ng pulisya sa kanyang pinaglulunggaan, kamakalawa.
Dakong 6:30 pm, naaresto ng magkasanib na puwersa ng Marilao Municipal Police Station at Bulacan PIT si Ryan Alegre, 45 anyos, residente sa Payatas St., Brgy. Libtong, Meycauayan City, Bulacan.
Si Alegre ay sinabing rank 2 municipal level at 4th most wanted person sa lalawigan na naaresto sa Brgy. Ibayo, Marilao, Bulacan.
Ang pagkaaresto sa nasabing wanted criminal ay kinompirma ni P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP.
Isinagawa ang pag-aresto kay Alegre alinsunod sa ipinatupad na warrant of arrest sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at paglabag sa Possession of Dangerous Drugs (Sec. 11) ng RA 9165, na inilabas ni Judge Felizardo Soriano Montero, Jr., Presiding Judge ng Region Trial Court Branch 11, Malolos City, Bulacan.
Ang pamunuan ng Bulacan PNP ay pinapurihan ang Marilao MPS at PIT Bulacan para sa kanilang tiyaga at dedikasyon na nagresulta sa pagkaaresto sa isang most wanted individual sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)