INIREKOMENDA ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng graft charges laban kay dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM procurement group director at ngayon ay Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, at iba pang opisyal sa kanilang pagkakasangkot sa iregular na pagbili ng COVID-19 test kits mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ang desisyon na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires at inilabas noong Huwebes ay nagrekomenda ng pagsasampa ng tatlong kasong graft laban kina Lao, Liong, at PS-DBM Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman, at mga executive ng Pharmally na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Linconn Ong, Huang Tzu Yen, at Justine Garado.
Samantala, inirekomenda nito ang pagsasampa ng isang kasong graft laban sa mga dating executive ng PS-DBM na sina Christine Marie Suntay, Webster Laureñana, August Ylagan, at Jasonmer Uayan, at empleyado ng Pharmally na si Krizle Mago.
Kinakitaan ng mga rason at ebidensiya sina Lao, Liong, De Guzman, Laureñana, Ylagan, Uayan, at Suntay para sa mga kasong administratibo.
Nahaharap si Lao at ang kanyang mga kasama sa dismissal sa serbisyo na walang makukuhang retirement benefits at ‘di na maaring magtrabaho pa sa gobyerno.
Nag-resign si Lao sa PS-DBM noong 2020, kaya kailangan niyang magbayad ng multang katumbas ng 12 buwang suweldo.
Ang tatlong transaksiyon noong 2020 sa pagbili ng 51,400 units ng RT-PCR test kits sa Pharmally ay may kabuuang halaga na P4.165 bilyon. (ALMAR DANGUILAN)