INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lungsod ng Makati at Taguig na tulungan ang Commission on Elections (Comelec) sa ginagawa nitong paghahanda para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa isang memorandum, naglabas ng direktiba ang DILG at inatasan ang mga naturang pamahalaang lungsod na pagkalooban ng kaukulang tulong at suporta ang poll body sa mga bagay na may kinalaman sa eleksiyon, sa 10 barangay na ipinalilipat ng Korte Suprema mula sa Makati patungong Taguig.
Kabilang rito ang lugar para sa paghahain ng certificates of candidacy (COC); residency requirements; at lokasyon ng mga polling place.
Anang Comelec, hindi na kailangan pang magrehistrong muli ng mga botante sa mga apektadong barangay para sa halalan dahil awtomatiko silang malilipat sa Taguig City.
Ang BSKE ay nakatakdang idaos sa 30 Oktubre 2023. (ALMAR DANGUILAN)