PINASALAMATAN at tinanggap ni Taguig City Mayor Lani Cayetano at Taguig local government unit (LGU) ang ginawang takeover ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa 14 paaralan sa lungsod ng Makati matapos ang desisyon ng Korte Suprema na paglilipat ng 10 EMBO barangays sa Taguig.
Tinatanggap ni Mayor Cayetano ang naging desisyon ng Kalihim sa agarang pagbuo ng transition committee at hindi na kailangan ng writ of execution na tinanggap din agad ng alkalde ng Makati.
Kaugnay nito umaasa si Mayor Lani na natapos na ang isyu at makapagmo-move-on ang magkabilang panig para sa ikabubuti ng apektadong komunidad.
Nananawagan ang alkalde sa Makati LGU na magkaisa silang ayusin ang transition plan kasama ang Department of Education at ang mga relevant government agencies.
Tiniyak ng Taguig ang kanilang full support kay Vice President sa layunin nitong mapabuti ang pag-aaral sa bawat antas ng mga mag-aaral at ganoon din ang kalagayan ng public school teachers.
Bukod dito, welcome din sa Taguig ang naging pahayag ng alkalde ng Makati na makikiisa sila sa transition committee na binuo ni VP Sara. (GINA GARCIA)