TINANGGAP ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr., ang pagbibitiw ni J/SInp. Angelina Bautista pero inilinaw nito na bilang standard procedure ng gobyerno ay kailangan muna niyang isuko ang lahat ng government properties na ibinigay sa kanya sa ilalim ng memorandum receipts (MR) bago siya bigyan ng clearance.
Sinabi ng BuCor Director, ang pagbibitiw ni Bautista ay hindi makapipigil sa isinasagawang imbestigasyon ng bureau para malaman ang katotohanan at mabigyan ng pagkakataong ipagtanggol at linisin ang kanyang pangalan.
Inihain ni Bautista ang kanyang irrevocable resignation, epektibo noong 11 Agosto 2023 bilang Executive Assistant IV – Office of the Director General na nagsasabing hindi na siya komportableng magtrabaho dahil sa mga kontrobersiya at walang basehang akusasyon na ibinato laban sa BuCor, higit pa sa kanya.
Nakalagay sa liham ni Bautista, ang kanyang pagbibitiw ay hindi nangangahulugan na inaamin niya ang mga ‘malicious’ at ‘unfounded issues’ na nagsasangkot sa hindi nabahirang mga taon ng kanyang serbisyo publiko.
“Gusto ko ng kapayapaan, hindi lang para sa pamilya ko kundi para sa buong Bureau of Corrections,” saad niya sa liham.
Nagpasalamat si Bautista kay BuCor Dir. Gen. Catapang para sa pagkakataong makapaglingkod sa kanya, sa PDL at sa kawanihan. (GINA GARCIA)