BANGKAY nang matagpuan, ng mga sumaklolong volunteers, ang isang lalaking nalunod sa malawakang baha sa bayan ng Calumpit, sa lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 31 Hulyo.
Kinilala ang biktimang si John Mark Arcega, 30 anyos, residente sa Brgy. Sta. Lucia, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, nalunod ang biktima sa bahagi ng irigasyon sa Brgy. Sta. Lucia na may kalaliman ang baha.
Napag-alamang lasing ang biktima at ayaw papigil nang lusungin ang rumaragasang baha na kanyang ikinalunod.
Makalipas ang ilang oras na paghahanap ng mga tauhan ng Bulacan Rescue, natagpuan nila ang bangkay ng biktima na halos hindi na makilala.
Isa lamang si John Mark Arcega sa dalawang biktima ng pagkalunod sa Bulacan dulot ng walang tigil na pag-ulan dala ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon.
Sa kasalukuyan, 22 bayan at mga lungsod sa Bulacan ang apektado ng malawakang pagbaha na isinisisi sa pagpapakawala ng tubig mga dam sa lalawigan. (MICKA BAUTISTA)