AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SASAMPAHAN daw ng kaso ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kapitan at mga tauhan ng bangkang lumubog sa Laguna de Bay sa Barangay Kalinawan, Binangonan, Rizal nitong 28 Hulyo 2023. Kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide. Hindi naman siguro lingid sa atin kaalaman na umabot sa 27 pasahero ng bangka ang namatay makaraang malunod.
Nangyari ang trahedya sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Egay na may kasamang habagat. E kung gayon, bakit naglayag pa rin ang bangka kung masama ang panahon na mayroon namang mga bantay na mga taga-Coast Guard?
Oo nga naman. Wala naman daw kasi kautusan noon ang Coast Guard na pansamantalang tigil muna ang paglalayag kaya, nagsakay ng mga pasahero ang naglayag na bangka. Pero ano ang nangyari? Ilang metro o 50 metro pa lamang ang layo ng bangka sa pantalan papuntang Talim Island ay lumubog na ito. Hinampas daw ng malaking alon, dahil nga masama ang panahon noon.
Hayun, ang resulta’y marami ang nasawi. Mayroon din mga nakaligtas.
Dahil umabot sa 27 katao ang namatay, kakasuhan ang Kapitan ng bangka maging ang kanyang mga crew. Well, dapat lang.
Sa mga inisyal na ulat, sinabing ang bangka ay overloaded, umabot sa 70 pasahero ang sumakay. Kung ganito ang nagyari, naging iresponsable umano ang Kapitan dahil nga overloaded sila. Sinasabi din na naging iresponsable ang mga pasahero dahil hindi sila gumamit ng life vest bagamat mayroon naman available pero, ang dapat ay estriktong ipinasuot ng Kapitan ang life vest sa bawat pasahero dahil alam naman niya na kasama ito sa alituntunin.
Tama ang marami sa pagsasabing malaki ang pananagutan ng Kapitan sa pangyayari…dahilan naman para kasuhan siya ng PCG.
Pero sino nga ba ang dapat na sisihin o managot sa nangyari? Siyempre, una riyan ang Kapitan ng bangka. Ang tanong, siya lang ba ang dapat na kasuhan ng PCG. E paano naman ang mga nakatalagang PCG sa pantalan? Hindi ba sila mananagot? Sa tingin n’yo ba ay walang clearance na ibinigay ang PCG kay Kapitan para lumayag nang ganoon karaming sakay na pasahero? Hindi ba bago umalis ang bangka ay iniinspeksiyon muna ng PCG bago ito maglayag?
Heto pa ang isa sa magandang katatungan sa nangyari? Ngayon lang ba nangyari ang overloading sa bangka sa Binangonan papuntang Talim Island? Hindi kaya lagi itong nangyayari pero ngayon ay nabuko dahil sa nangyaring trahedya?
At, si Kapitan lang ba ang dapat na kasuhan? Paano naman ang mga PCG na naka-duty nang mangayari ang trahedya, hindi ba malaki rin ang kanilang pananagutan?
Hindi lang ngayon nangyari ang ganitong trahedya sa karagatan kung hindi maraming beses na…pero, hindi pa rin nagtanda ang lahat, pasahero, kapitan ng bangka o barko at ang ilang taga-PCG.