PINAGSÀSAKSAK ng 13 beses sa katawan ang babaeng natagpuang bangkay sa loob ng isang hotel sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief, P/Maj. Dondon Llapitan, ang biktima na si Bernalyn Tasi Reginio, 24 anyoa, may live-in partner, customer care assistant, sa residente sa Block 3, Lot 84, Phase IF, Suburban Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Sa report, dakong 1:45 am nitong 30 Hulyo, nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima sa Room No. 233 Nice Hotel na matatagpuan sa Arayat St., kanto ng Malabito St., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, Quezon City.
Ayon kay Llapitan , naglilinis ang room attendant sa isang bakanteng silid ng motel nang mapansin nito ang mga bakas ng paa na may dugo sa sahig.
Sinundan niya ang pinagmulan ng bakas at natunton ito galing sa silid na tinuluyan ng biktima.
Agad ipinaalam ng room attendant ang insidente sa kanyang supervisor, na kaagad naman nagpasyang buksan ang pinto ng silid.
Dito tumambad sa kanila ang bangkay ng biktima, na duguang nakadapa, walang saplot at tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Lumilitaw na bago ang krimen ay nag-check-in ang biktima sa hotel, kasama ang isang ‘di pa kilalang lalaki na nasa edad 20-25 anyos, matipuno ang pangangatawan, nakasuot ng dilaw na ball cap, pulang shirt at black pants na may stripe na kulay puti.
Inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa naganap na krimen.
Gayonman, imposible umanong pagnanakaw ang motibo ng pagpatay dahil intact naman ang mga gamit ng biktima.
Ayon kay Llapitan, sa pamamagitan ng mga CCTV footages sa motel posibleng matukoy ang pagkakakilanlan sa salarin. (ALMAR DANGUILAN)