SIPAT
ni Mat Vicencio
KUNG nakalusot man sina Senator Bong Go, Francis “Tol” Tolentino at Bato dela Rosa noong 2019 elections, asahang butas ng karayom ang daraanan ng tatlong mambabatas sa darating na midterm polls sa 2025.
Mabigat ang magiging laban nina Go, Tol, at Bato dahil ‘masikip’ ang darating na midterm elections hindi lang dahil matitikas na reelectionist senators kundi pati ang mga ‘hebigat’ na politiko na sasabak din tulad nina Ping Lacson, Tito Sotto, Manny Pacquiao, Isko Moreno at Leni Robredo.
Kung tutuusin, walang magandang performance na ipinakita ang tatlong mambabatas sa Senado, lalo na si Bato na halos lumuwa ang mga mata sa galit at maputol ang mga litid sa kasisigaw sa kanyang mga imbitadong resource person.
Walang ipinagkaiba si Tol, dahil sa buong hearing ng kanyang blue ribbon committee ay boses na lang din niya ang maririnig, kulang na lang tumalsik ang laway habang nagsasalita at masasabing totoong siya na nga ang pumalit kay dating Senator Richard Gordon.
Si Go naman, paulit-ulit na lang ang mga press release tungkol sa kanyang Malasakit Center. Sabi nga, kung hindi maglulubay ang senador, magigising na lang ang taongbayan isang araw na puno ang bawat lungsod, munisipalidad, bayan, sitio, barangay kabilang na ang mga bukid, bundok, parang, kagubatan, sapa, dagat at ilog ng Malasakit Center ni Go.
Hindi rin dapat ipagmalaki nina Go, Tol, at Bato ang tinatawag na ‘Duterte magic’ dahil hindi na sila nakasisiguro kung ang agimat ni Digong ay meron pang bisa na makapagbibigay muli sa kanila ng bagong mandato.
Huwag din sasabihing ang kanilang political machinery ay malaking bagay para manatili sa Senado dahil sa kasalukuyan magulo at wasak na wasak ang PDP-Laban simula nang bumaba sa puwesto si dating Pangulong Digong.
At kung pumasok man sa ‘Magic 12’ ang tatlong mambabatas sa isinasagawang mga senatorial survey, hindi sukatan na sigurado ang kanilang panalo, dahil kuwestiyonable at walang kredebilidad na mga kompanyang nagsasagawa ng nasabing survey.
Kaya nga, kabahan na sina Go, Tol, at Bato dahil talagang mahihirapan silang makalusot sa 2025 midterm elections at malamang ang mangyari ay mangamote at damputin ang tatlo sa kangkungan.
***
Inaanyayahan ang lahat na panoorin ang aming bagong vlog kasama ang beteranong mamamahayag na si Jimmy Alcantara. Tatalakayin ng programang Ah, Basta! ang maiinit at napapanahong isyung politikal, showbiz, at tsismis ng mga Marites sa bawat eskinita, looban, kanto at plaza. Abangan!!!