BILANG paghahanda sa sakuna tulad ng bagyo, lindol, pagbaha, aksidente sa lansangan, at maging sa El Niño, nagsagawa ng pagsasanay o demonstrasyon ang iba’t ibang disaster team sa Cordillera Autonomous Region (CAR) na ginanap sa Baguio City nitong Sabado.
Sa isinagawang incident management capability demonstration sa Melvin Jones Grandstand and Football Field sa Baguio City, nagpakita ng kanilang kakayahan at responsibilidad sa pagtugon sa anomang trahedya partikular sa paglilikas at pagliligtas sa mamamayan ang iba’t ibang disaster organizations.
Sinaksihan ni Civil Defense Sec. Ariel Nepomuceno, bilang pangunahing panauhing pandangal ang isinagawang demonstrasyon ng mga disaster group gamit ang iba’t ibang uri ng equipment o kagamitan para sa Disaster Risk Reduction Management (DRRM) tulad ng incident command system, collapsed structure search and rescue, crashed vehicle extrication and rescue.
Sa talumpati ni Nepomuceno, kanyang ipinarating ang pagkilala at pagpapasalamat sa Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at sa stakeholders sa kanilang ipinamalas na sakripisyo sa pagresponde para matiyak ang seguridad ng bawat mamamayan sa panahon ng sakuna o trahedya.
“I want to personally thank you and acknowledge the big sacrifice that you are doing and are willing to do – for your willingness to be trained, for your willingness to serve. Thank you very much for dedicating yourselves to this mission and for serving the country well,” ani Nepomuceno.
Sinabi ni Nepomuceno, sa ipinakitang pagtugon ng mga disaster organization sa isinagawang exercises kinakailangan ng bawat lumahok o bawat miyembro ng disaster team ang karagdagang lakas, pisikal at emosyonal.
Anang Kalihim, kailangan na rin baguhin ng mga Filipino ang kanilang pag-iisip at estilo sa pagharap sa iba’t ibang sakuna sa bansa.
“We need to plan and always practice. Events like this shall give you and the stakeholders the possible muscle memory that we need. Change our mindset and always practice,” dagdag ni Nepomuceno.
Sa rekord ng OCD, madalas ang sakuna partikular ang landslide sa CAR kabilang ang Baguio City, tuwing panahon ng tag-ulan o habagat habang sa huling quarter ng taong kasalukuyan, inaasahan ang pananalasa ng El Niño sa bansa. (ALMAR DANGUILAN)