AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAIKOKONSIDERA bang lutas na ang kaso ng pamamaril kay Joshua Abiad, photographer ng Remate Online noong 9 Hunyo 2023 sa lungsod ng Quezon? Oo naman. Bakit naman e, samantalang hindi pa naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang sinasabing utak sa krimen.
Tama kayo sa pagsasabing hindi pa nadarakip ang utak na si alyas Kapitan Nanad ayon sa paghalukay ng QCPD pero hindi naman ibig sabihin na hindi pa lutas ang pananambang kay Abiad, na nadamay ang apat niyang kaanak, ang isa ngang batang biktima rito ay namatay dahil sa tama ng bala.
Masasabing lutas na ito ng QCPD na pinamumunuan ni P/Brig. Gen. Nicolas Torre III, dahil una’y kilala na ng pulisya ang mga sinasabing salarin o pitong suspek. Hindi lang sila kilala sa mukha kung hindi maging ang kanilang mga pangalan ay tukoy na.
Sa pagkakakilanlan pa lang noon sa mga salarin ay masasabing lutas na ang krimen…at lalong masasabing lutas na makaraang madakip sa magkakahiwalay na follow-up operations ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni P/Maj. Dondon Llapitan bilang hepe, ang dalawang gunman.
Katuwang ng CIDU sa operasyon ay ang District Special Operation Unit (DSOU); at District Intelligence Division (DID).
Unang nadakip ay si Eduardo Almario Legaspi, 32, ng Muntinlupa City, nitong unang Biyernes, 7 Hulyo, habang sa imbestigasyon ay tinukoy ni Legaspi na isang alyas Kapitan Nanad ng Pasay City ang nag-utos sa kanila.
Ang ikalawang gunman na si Jomarie Dela Cruz ng Poblacion, Muntinlupa City ay nadakip nitong nakaraang Huwebes, 13 Hulyo 2023 sa harap ng isang bus terminal sa Cubao, Quezon City.
Ayon kay Llapitan, nakakuha sila ng impormasyon na pabalik na ng Metro Manila mula sa lalawigan ng Pangasinan kung saan siya nagtago, sakay ng bus kaya inabangan si Dela Cruz sa harap ng terminal.
“Inakala niya sigurong lumamig na ang kaso kaya, lumutang na siya at bumalik ng Metro Manila,” ani Llapitan.
Sa interogasyon ay ikinanta ng dalawa ang kanilang mga kasama sa krimen maging ang utak na si Kap. Nanad.
Ayon sa dalawa, binayaran ni Nanad ang grupo nila ng halagang P100,000 na ang parte bilang kabayaran sa kanilang partisipasyon ay tig-P15,000. Patuloy na hinahanting ng QCPD ang mga suspek na kinilala sa kanilang mga alyas na Greg, Juan, Marlon Boy, Mata Alexis, at Oca na umano’y nadismis bilang pulis-Maynila.
Ngayon balik tayo sa katanungang, lutas na ba ang krimen?
‘Ika ni Torre, maikokonsiderang lutas na ang kaso pero kanyang inilinaw na hindi pa sarado ang kaso kaya patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang manhunt operation sa mga nalalabi pang salarin.
Bagamat hindi pa nakukuha ang lahat ng salarin ay sinampahan na sila ng asunto ng QCPD sa Quezon City Prosecutor’s Office ng kasong murder at three counts ng frustrated murder. Napatay sa pananambang makalipas ang ilang araw sa pagamutan ang 4-anyos na batang babae, pamangkin ni Joshua habang sugatan sina Joshua at dalawa nitong kaanak. Isang bystander ang tinamaan ng ligaw na bala sa isinagawang pananambang.
Nangako si Torre na at all cost ay kanilang kukunin nang buhay ang mga suspek para iharap sila sa korte sa paglilitis ng krimeng kinasasangkutan at pagdusahan ang kanilang kasalanan kapag napatunayang guilty.