PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
MATULOY kaya ang pagdedemanda ni Atty. Ferdie Topacio at iba pang mga Claudinians laban kay Sabrina M?
Three days lang kasi ang sinabing palugit ni Sabrina to make her public apology or else nga ay maidedemanda ito.
Bilang best friend nga ni Claudine Barretto si Atty. Topacio na naiinis din sa paandar ng dating sexy star hinggil sa usaping Rico Yan (RIP) na nadamay pa ang names ng mga Yan at ng Optimum Star. Hindi raw dapat hinahayaan ang mga ganitong ‘panggagamit’ at kawalang-respeto sa yumao na.
Ipinauubaya na ni Clau kay Atty. Topacio at mga loyal Claudinian niya ang pagsasampa ng kaso sa dating sexy star kung hindi ito maglalabas ng public apology.
‘Ika nga ni Claudine nang makausap namin ito sa isang phone chat, “hindi ko talaga siya kilala (Sabrina M) at hindi ako para pumatol pa pero hindi naman dapat pinalalampas ang mga ganitong kalapastanganan. Matagal na panahon naming inalagaan at pinrotektahan ang dangal ni Rico, at hindi nakatutuwa ang mga ganitong pangyayari.”