BALIK-SELDA ang 49-anyos ex-convict nang mahuli sa aktong kinukuha ang P3.4 milyong halaga ng shabu na inilagay sa flush tank ng inodoro sa isang fast food restaurant sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Police Station (PS 3) chief, P/Lt. Col. Mark Ballesteros, bandang 2:00 pm nang arestohin ang suspek na si Ariel Dansindan, 49, residente sa Paete, Laguna, sa isang fast food restaurant sa Quirino Highway, Novaliches.
Nakatanggap ang pulisya ng tawag mula sa mga security guard ng restaurant na may isang lalaki ang kahina-hinala ang ikinikilos habang labas-masok sa kanilang banyo.
Dahil dito, agad nagtungo ang mga operatiba sa restaurant at doon ay naaktohan ang suspek habang kinukuha ang dalawang malaking plastic ng shabu sa loob ng flush tank ng inodoro kaya agad siyang naaresto.
Nabatid na nakulong sa kasong murder ang suspek noong 1996 sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa suspek. (ALMAR DANGUILAN)