AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
KAHIT may final decision na ang Korte Suprema, nahaharap pa rin sa krisis ang mga apektadong mamamayan sa territorial dispute ng mga lungsod ng Makati at Taguig.
At ang mga apektadong mamamayan ay ‘yung nasa Enlisted Men Barrio (Embo) barangays.
Pero, ang klaro, hindi ang desisyon ng Korte Suprema ang nagpagulo sa kanila, kundi ang away ng Binay siblings.
Kumbaga natuwa ang Embo residents nang magdesisyon ang Supreme Court kasi nga sabi nila, makaaalpas na sila sa sobrang politikahan sa kanilang lungsod.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit may lumiham na mga taga-Embo barangays sa Taguig City para madaliin na ang takeover.
Sa dalawang-pahinang liham na naka-address sa mga opisyal ng lungsod mula sa grupong Mandirigma ng Pembo, sinabi nitong mismong silang mga residente ang gumagawa ng paraan para i-counter ang mga fake news patungkol sa posibleng negatibong idudulot ng final and executory decision ng Supreme Court.
“We would like to make known to you that we are eagerly awaiting for the complete takeover of Taguig City,” nakasaad sa liham.
Layon din ng liham na ipinadala ng mga residente sa Taguig na alamin kung ano ang mga maaari nilang asahan sa lungsod sa oras na maisakatuparan ang takeover. Anila, mainam na ilahad ito upang mawakasan na ang fake news at ang agam-agam sa paglilipat ng mga residente.
Inamin din ng mga residente sa kanilang liham na mayroong nangyayaring mga black propaganda para siraan ang Taguig at mismong mga barangay officials na appointees at nasa holdover position ang nagsasagawa nito.
“They are busy suppressing and twisting the mindset of the people on the issue of Taguig vs Makati. Employees known to be supporters of Taguig are forced to resign. Those people are maligned, shamed, and immediately removed from service without due process,” nakasaad sa liham.
Bilang pahuli, sinabi ng mga residente na ang kanilang hangad na mailipat na sa Taguig ay para makaiwas na rin sa sobrang pamomolitika sa Makati.
“We want to be free from suppression and cruelty that has been a result of the family feud of the Binay siblings. Our people only want to have a decent life and work,” giit ng mga residente sa liham.
Sadyang hindi inilabas ang mga signatory sa nasabing liham bilang proteksiyon sa mga residente.