HATAWAN
ni Ed de Leon
NATAKPAN ang lahat ng mga balita at issues nang lumabas mismo sa Youtube ng Eat Bulaga ang announcemnt ng Tito? Vic and Joey na iyon na ang kanilang last day sa ilalim ng TAPE Inc. Kanila pa rin ang Eat Bulaga pero wala na nga sila sa TAPE Inc.
Hindi talaga nailagay sa ayos ang kanilang naging controversy nang mag-take over ang mga bagong namumuno ng kompanya. Nilinaw nila na hindi totoong nag-retire ang dating nagpapatakbo ng TAPE at Eat Bulaga na si Tony Tuviera kundi sapilitan itong pinag-retire at pinalitan ng iba.
Total take over nga kasi ang ginawa ng pamilya Jalosjos sa kompanya kasabay ng mga akusasyong may anomalya at may mga perang nawawala. Sinabi rin nilang hindi kumikita ang kompanya kaya kailangang magbawas ng taong binabayaran.
Ang matunog na sinasabing mawawala na ay si Ryzz Mae Dizon, pero malakas din ang bulungan na aalisin din daw ang TVJ, pero hindi naman biglaan. May narinig kaming ang plano, sa 45 years ng Eat Bulaga ay magkakaroon ng isang malaking presentation na gagawn din nilang tribute at saka sasabihin ang pagreretiro ng TVJ.
Ano man ang sabihin mo, masakit iyon para sa TVJ dahil sila ang nagsimula at nagpalakas ng Eat Bulaga kaya tumagal iyon ng 44 na taon. Hindi laging maganda ang kanilang kalagayan. Inaamin nila na nagmimintis din pati suweldo nila kung minsan pero hindi dahil sa nalulugi ang show kundi dahil sa mismanagement.
Ang Eat Bulaga noong nakaraang taon ay sinasabing kumita ng P213-B net, ibig sabihin malinis nang kita.
Sinasabi ng iba na ang inggit at duda ang siyang nangibabaw. Bumili raw kasi si Tuviera ng mga equipment na magagamit sa kanyang negosyo, at kung kailangan ng Eat Bulaga ng mga ganoong equipment inuupahan nila iyon kay Tuviera. Tapos nagpatayo pa si Tuviera ng sarili niyang studio na ginagamit niya para sa mga commercial production. At dahil ginagamit din iyon ng Eat Bulaga, nagbabayad sa kanya ng renta ang TAPE Inc. na siyang producer niyon.
Kung tutuusin sabi nila, ok nga iyon eh dahil mas nakatitipid ang Bulaga, mas modeno at maganda ang studio, at ang renta nila ay mas mababa kaysa ibinabayad nila sa Broadway Centrum na dati nilang ginagamit. Pero mukhang iyon daw ang pinagmulan ng issues. Iyong TVJ ay sinasabing kampi kay Tuviera, kaya nga siguro nabalitang sila man ay papalitan na.
Kung iisipin, gusto pa nga ng management na palawigin ang show, siguro wala naman silang makukuha agad na kapalit ng TVJ, pero kung hihintayin naman iyon ng tatlo, bawas na ang kanilang chances na makapagsimulang muli. Kaya nga gumawa sila ng desisyong tapusin na ang lahat. Sinasabing noong Lunes, pumirma na sila ng kontrata sa isang bagong network at bagong poducer ng show. Kaya naman noong Miyerkoles ay balak na nilang magpaalam, pero hindi na sila pinayagan on the air.
Kaya nga ang ipinalabas ay isang replay ng lumang show at sila naman ay gumawa lamang ng announcemnt sa Youtube. Hindi naman nagsalita pero nasa likod ng tatlo ang lahat ng iba pang hosts ng Eat Bulaga, maliwanag iyon na sasama silang lahat saan man magpunta ang tatlo. Walang maiiwan.
Hintayin natin kung ano ang kalalabasan ng programang ilalagay ng GMA 7 sa kanilang noontime slot paglabas ng Eat Bulaga sa bago nilang network. Habang wala pa iyon makapagpapalabas pa sila ng mga replay, pero oras na magpalit na sila, may epekto iyon sa kanilang afternoon programming.
Buti may pambawi sila sa early evening dahil papasok na si Boy Abunda tapos malakas ang kanilang 24 Oras,pero malaki pa rin ang magiging epekto ng pagkawala ng Eat Bulaga.
Ang Eat Bulaga man ay apektado, hindi naman sila makalilipat sa isang network na ang transmitting power ay 150KW, at may mahigit na 90 provincial stations. Iisa ang ganoon ngayon. Malalakas na network ang naging tahanan nila. Noong nagsimula sila sa RPN 9, iyon ang pinakamalakas na estasyon at may mga provincial relay na connected via sattelite, live silang napapanood sa buong bansa. Ganoon din naman nang lumipat sila sa Channel 2, malaking network din kasi ang ABS-CBN.
Ngayon ang aalisan nila ay ang pinaka-malaking network sa kasalukuyan, na nag-iisang makasisiguro na mapapanood sila sa buong bansa. Ano ang magiging kalagayan nila kung hindi ganyan. Parang pareho silang talo.