Sunday , December 22 2024

Mga bugok sa QC hall, magbago na kayo

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

Mayroon pa palang mga bugok na kawani sa Quezon City Hall. Mayroon,  kaya lang hindi nagtatagumpay ang mga ito dahil sa mahigpit ang kampanya ni  QC Mayor Joy Belmonte laban sa mga korap na kawani o empleyado sa ano man departamento sa city hall.

Nabatid na may mga nalalabi pang bugok na kawani sa City Hall makaraang maglabas uli ng babala si Mayor Joy na hindi niya sasantuhin ang sinuman kawani o opisyal na gagawa ng katarantaduhan sa pagpapatupad ng tungkulin na may kinalaman sa pagbibigay serbisyo sa mamamayan ng lungsod “QCitizens”.

Partikular na katarantaduhan na ginagawa ng mga tiwali ay ang paghingi ng “lagay” o suhol sa mga QCitizens na may transaksyon sa City Hall. 

Bagamat, hindi lang ngayon ang pagbibigay babala ni Mayor Joy kung hindi noon pa man – unang pag-upo pa lang niya bilang alkalde ay mayroon na siyang giyera laban sa mga tawali sa City Hall.

“Hindi natin palalampasin ang mga ganitong klaseng pang-aabuso at pagmamalabis sa ating mga QCitizen lalo na kung sangkot mismo ang ating mga kawani sa pamahalaan. Here in QC, we will never condone the ‘palakasan’ system. No one should dangle money or gifts in exchange for special favors or a shortcut to our processes. We have embraced digitalization so that everything is done expeditiously, eliminating red tape,” babala ni Mayor Joy.

E bakit nga muling nagbabala ang alkalde? Bakit? Hayun,may dalawang kawi sa City Hall ang kinalawit ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pangingikil sa isang kliyente ng QC government.

Kamakailan, dalawang tauhan ng QC Treasurer’s Office ang inaresto ng QCPD sa entrapment operation dahil sa pangingikil sa isang QCitizen na may inaasikasong dokumento sa nasabing dibisyon. Kinikikilang ang kliyente kapalit ng mabilis na pagproseso sa mga dokumento.

Abril 18, 2023, isang kliyente ng City Treasurer’s Office (CTO) ang nag-aplay ng Certificate of Retirement of Business. Sa assessment ng mga suspek, isang Revenue Examiner at isang Administrative Aide para sa requirements ng kliyente siya ay pinagbabayad ng P77,632.00 para sa tax due bago ang retirement.

Heto ngayon ang nangyari, naging malikot ang isipan ng dalawang kawani – “pera na ito” – iyon ang marahil ang nasa isip nila. Kaya habang pinoproseso ang certificate ng kliyente, ang mga suspek umano ay humingi ng P50,000 para mapabilis ang paglabas ng dokumento sa kundisyon na ang “discounted rate” ay hindi bibigyan ng official receipt.

Aba’y kapag nagkataon, lugi ang pamahalaang lungsod nito ha. E hayun, matino ang kliyente, ayaw niya ng maruming laro at malaman ay may takot ito sa Diyos.

Kaya, humingin si Juan Dela Cruz ng tulong sa QCPD laban sa dalawang kawani ng CTO. Hehehehe..kumagat sa ikinasang entrapment ang dalawa kaya, huli at kulungan ang bagsak nila. Buti nga sa inyo.

Siyempre, kinasuhan ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007 sa QC Prosecutor’s Office.

Ayon kay QCPD Director, PBrig. Gen. Nicolas Torre III, ang agarang pag-aksyon ng kanyang mga tauhan hinggil sa reklamo ng kliyente ng QC government ay katugunan sa kampanya ni Mayor Joy kaugnay sa malinis na pamahalaan sa pamamagitan ng pagwalis sa mga tiwali sa ano man departamento ng City Hall.

“Pinapaalalahanan po natin ang publiko na mag-ingat at huwag makipag-transaksyon sa mga indibidwal na hihingan kayo ng ‘lagay’ kapalit ng  pag-proseso ng inyong mga dokumento. I-report agad ang mga ito sa kapulisan o kaya tumawag sa Hotline 122 upang mabigyan ng agarang aksyon,” pahayag pa ni Torre III.

Sa kabilang dakong naman ay binalaan naman ni Mayor Joy ang mga kliyente ng City Government na manunuhol sa mga kawani, na maging sila ay may paglalagyan – aarestuhin at kakasuhan.

“Here in QC, we will never condone the ‘palakasan’ system. No one should dangle money or gifts in exchange for special favors or a shortcut to our processes. We have embraced digitalization so that everything is done expeditiously, eliminating red tape,” babala pa ni Mayor Joy.

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …