AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
KALIWA’T KANAN na naman ang operasyon ng limang distrito ng pulisya sa Metro Manila, Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Eastern Police District (EPD), Southern Police District (SPD), at Northern Police District (NPD) laban sa illegal gambling.
Ang operasyon ay bilang tugon sa direktiba ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, Police Major General Edgar Allan Okubo makaraang makatanggap ng reklamo o impormasyon na talamak na naman ang operasyon ng mga pasugalan sa Metro Manila.
Simula nitong nakaraang linggo hanggang ngayon ay puspusan na ang gera — pinaghuhuli ang mga colors game, lotteng, sakla, cara y cruz, ending ng basketball, bookies sa karera at iba pa.
Hindi lang ang limang distrito ang sumasalakay at nanghuhuli kung hindi maging ang Regional Special Operation Group (RSOG) ng National Capital Regional Office (NCRPO) na nasa ilalim ng superbisyon ni MGen. Okubo.
Ayos iyan! Hayun bilang resulta ay tumahimik na naman ang Metro Manila kaugnay sa operasyon ng iba’t ibang klase ng sugal. Iyan ang tama Heneral!
Iyon naman ibang nagpapasugal dahil sa nakarating sa kanilang kaalaman ang kampanya ni MGen Okubo ay nagkusang itiniklop ang kanilang ‘negosyo’ para iwas huli. Hindi biro ang piyansa ngayon — P30,000 bawat ulo.
Ano pa man, saludo tayo kay MGen. Okubo sa kanyang agarang katugunan sa mga reklamong nakarating sa kanyang tanggapan hinggil sa ilegal na sugal saan man sulok ng Metro Manila.
Teka po sir, e sino naman itong alyas J. Bernardino na umiikot sa mga pasugalan at ginagamit ang NCRPO— ipinangongolekta niya ang NCRPO ng lingguhan intel? Batid ko MGen. Ukobo na wala kayong kinalaman sa katarantadohan ni alyas J. Bernardino kaya nararapat na iyong bigyan ng leksiyon ang taong ‘yan. Dinudumihan lang niya ang NCRPO.
Katunayan, hindi lang NCRPO ang ginagamit ni alyas J Bernardino kung hindi maging ang PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – NCR at national. Aba’y bigtime pala itong si alyas J. Bernardino.
Siyanga pala MGen. Okubo, may impormasyon rin na talamak ang operasyon ng jueteng “137” sa Las Piñas City. Pinatatakbo ito ng isang alyas Es Mer. Malakas ang loob ni alyas Es Mer dahil sa basbas at proteksiyon ng isang mabigat na Barangay Chairman na nagmamalaking malakas (daw) siya sa City Hall. Sino kaya ang ipinagmamalaki ni Kapitan sa City Hall?
Ano pa man, ang Las Piñas City ay nasasakupan ng Metro Manila at nasa hurisdiksiyon ng SPD. Hindi ba si PChief Supt. Kirby John B. Kraft ang District Director ng SPD? Isang magaling na opisyal ang mama. Napakaganda ng kanyang accomplishments (noon pa man) kaya, naniniwala tayong sa pamamagitan ni Gen. Kraft, masusugpo na itong untouchable na jueteng ni alyas Es Mer sa Las Piñas.