Tatlong kalalakihan na isinasangkot sa laganap na pagnanakaw ng mga motorsiklo sa Bulacan ang naaresto sa isinagawang follow-up operations ng pulisya sa lalawigan.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, sa pinagsanib na follow-up operation ng mga tauhan ng SJDM CPS at Sta Maria MPS ay nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong suspek kamakalawa.
Ang isinagawang operasyon ay may kaugnayan sa insidente ng carnapping na naganap noong Abril 24, 2023 sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon sa biktima, habang lulan siya ng kanyang motorsiklo ay hinarang siya sa daan ng tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo kasunod ng pagtutok sa kanya ng pellet gun at saka inagaw ang minamanehong motorsiklo.
Nagreport ang biktima sa mga awtoridad na nagsagawa ng follow-up operation hanggang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek at makilala ang mga ito na sina Rudy Gonzalo, 41, Alexander Bensan, 23, at Chozen Cruz, 28, pawang mga residente ng Rodriguez, Rizal.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na bago ang nasabing insidente, ang mga suspek ay isinangkot na rin sa isang insidente ng carnapping sa araw na iyon.
Ang mga arestadong suspek ay nahaharap ngayon sa kasong kriminal samantalang ang ninakaw na motorsiklo ay narekober sa operasyon.(Micka Bautista)