PAGMUMULTAHIN at kanselasyon o pagbawi ng business permit ang ipapataw na parusa ng Quezon City government sa mga restaurant o mga business establishments na hindi magbibigay ng 20% discount sa mga rehistradong solo parents.
Ito ang babala ni QC Mayor Joy Belmonte at sinabing mahigpit niyang ipatutupad ang Ordinansa SP No. 2766, S-2018, na iniakda ni Konsehal Racquel Malangen.
Nakasaad sa Ordinansa na ang mga solo parents ay dapat magpakita ng valid Solo Parent ID na inisyu ng Quezon City Social Services Development Department (QC SSDD) bago sila maka-avail ng 20-percent discount.
“Itong batas na 20-percent discount tuwing una at huling Linggo. Ginawa na namin ang IRR, ibinigay na namin sa Business Permits and Licensing Department (BPLD). Ibinaba na po iyan sa lahat ng business establishments,” paliwanag ni Belmonte.
“Ano ang ating magiging tungkulin? Isumbong ang mga establisimyentong hindi tumutupad dito. Saan isusumbong? Sa Helpline 122,” dagdag ni Belmonte, na nag-uutos sa BPLD na paalalahanan ang mga business establishment na ganap na ipatupad ang nasabing Ordinansa.
Para sa unang paglabag, makakatanggap ng sulat na babala mula sa SSDD o sa BPLD, papatawan naman ng multang P2,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 na multa at kanselasyon o pagbawi ng business permit para sa ikatlong paglabag.
Tiniyak din ng QC Mayor ang kaniyang buong suporta sa mga solo parents at ang kanya umanong administrasyon ay may nakahanay nang mga programa at proyekto para sa kanilang kapakanan. (ALMAR DANGUILAN)