Hindi nagawang makasibat ng anim na pasaway na sabungero na naaktuhan ng pulisya sa sinalakay na tupadahan sa San Rafael, Bulacan kamakalawa ng tanghali.
Batay sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nakasaad na ang mga operatiba ng Bulacan’s 2nd Provincial Mobile Force Company ay arestado ang anim (6) na sabungero sa anti-illegal gambling operation sa Brgy. Moronquillo, San Rafael, dakong alas- 12:50 ng tanghali.
Ang mga suspek na matagal nang minamatyagan ng mga awtoridad ay inaresto matapos maaktuhan na nagpupustahan sa iligal na tupada (illegal cockfight) sa nasabing barangay.
Nakumpiska sa mga arestadong suspek na gagamiting ebidensiya ang tatlong (3) buhay na manok na panabong, limang (5) bayong, dalawang (2) kahon na lalagyan ng manok, dalawang (2) black sling bags na naglalaman ng (24) pirasong tari (Gaffs blade), assorted paraphernalia, at bet money sa iba’t-ibang denominasyon.
Napag-alaman na maraming beses nang pinagsabihan ang mga suspek na bawal ang tupada subalit sadya umanong pasaway ang mga ito at ayaw magsitigil sa pagpapatakbo ng iligal na sabungan.
Nahaharap ngayon ang mga arestadong suspek sa paglabag sa P.D. 449, “Cockfighting Law of 1974”, na inamyendahan ng P.D. 1602, na inihahanda para isampa sa korte.(Micka Bautista)