Naging matagumpay ang sunod-sunod na operasyon ng pulisya sa Bulacan na nagresulta sa pagkasamsam ng mga iligal na droga at pagkaaresto ng 14 na tulak kabilang ang siyam na pugante sa lalawigan kamakalawa, Abril 26.
Ayon sa ulat na iprinisinta kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nagkasa ng magkasanib na buy-bust operation ang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), at Bustos MPS kung saan pitong pakete ng shabu, halagang PhP 68,000 ang nasamsam sa Brgy. Tibagan, Bustos kung saan arestado si Ronald Hernandez.
Kasunod nito, sa anti-drug operation sa Brgy. Panasahan, Malolos City, si Jojit Javier ay dinakip sa pagtataglay ng limang pakete ng shabu, may halagang humigit-kumulang sa Php 20,400, at isang improvised shotgun na may apat na bala.
Magkakasunod ding drug sting operations ang isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan, Guiguinto, SJDM, Bulakan, Plaridel, at Baliwag C/MPS, na nagresulta sa pagkaaresto ng 12 suspek sa droga.
Kabuuang 36 pakete ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may halaga na mahigit Php 50,000 ang nakumpiska at ng marked money.
Gayundin, siyam na kriminal na wanted sa iba’t-ibang krimen at paglabag sa batas ang naaresto ng tracker teams ng 1st PMFC, Meycauayan, Plaridel, Guiguinto, SJDM, Hagonoy at Bocaue C/MPS. (Micka Bautista)