MA at PA
ni Rommel Placente
BINUWELTAHAN ng komedyanang si Kim Molina ang isang basher na nagkomento sa latest social media post ng boyfriend na si Jerald Napoles.
Hindi niya pinalampas ang pambabastos ng nasabing netizen na pumuna sa mga bikini photo niya na kuha sa pagbabakasyon nila ni Jerald sa Bali, Indonesia.
Sa Instagram at Facebook post kasi ni Jerald, makikita ang kanilang pictures habang nagsasayaw at nag-eenjoy sa Bali, kabilang na nga rito ang isang short video clip na naka-two-piece bikini si Kim.
Caption dito ni Jerald, “The best partner someone can have.. I can be goofy and crazy with you forever. You’re the highlight in all the trips we had.
“Ang swerte ko naka hanap ako ng katapat !! We have our own world and we don’t care !! To more travels and craziness with you love. Kim Molina.”
Pinusuan at ni-like ng kanilang fans at celebrity friends ang kanilang mga paandar at pasabog na ganap sa Indonesia kabilang na sina Dimples Romana, Cristine Reyes, at Carlo Aquino.
Pero ayun nga may isang basher na lantarang pumuna sa tuhod ni Kim na tila may mga sugat at pasa. Comment ng naturang netizen, “Hilig nyo sa doggy itim ng tuhod hahahaha.”
At dito na nga sinupalpal agad ni Kim ang kanyang basher. Sagot niya rito, “’Di ko na dapat papatulan pero okay patola ako ngayon.
“Sa mga nagtatanong tungkol sa tuhod ko, nag-Blai po kami after ng show ko for ‘Zsaza Zaturnah,’” simulang paliwanag ni Kim.
Patuloy niya, “Bugbog sa fight scenes, talon dito, bagsak doon, malamang ‘di mo alam dahil ‘di ka naman nanood panigurado. Dinala ako ni Je sa Bali para makapagpahinga.
“Tigil-tigilan mo rin akong sagutin na ‘Green-minded ka Ms. Kim, aso ibig kong sabihin.’
“Pakabastos mo eh. Kung sino ka man sa likod ng dummy account na ‘yan, pagdasal kong may partner ka ring nagmamahal sa’yo. Ingat na lang lagi at bakasanamadapaka,” aniya pa.
Bago pa ito, may pinatulan din si Jerald na isang basher na nang-okray kay Kim na may kaugnayan sa pagganap nito bilang Zsaza Zaturnah.
O ‘di ba, parehong pumapatol sa bashers sina Kim at Jerald.