Hindi na nakapalag ang isang lalaki na kabilang sa most wanted person nang arestuhin ng pulisya sa pinagtataguang bahay sa Meycauayan City, Bulacan alas-12:20 ng gabi kamakalawa, Abril 13.
Nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng Meycauayan City Police Station (CPS), Regional Intelligence Unit (RIU3), at Provincial Intelligence Unit (PIU) upang arestuhin si Bernard Lagco, 22, na residente ng Brgy. Lawa, Meycauyan City, Bulacan.
Si Bernard Lagco na nasa talaan na 3rd Most Wanted Person sa lalawigan ng Bulacan at Top 1 sa city level ng Meycauayan ay naaresto sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Camalig, Meycauayan City.
Ang pagkakaaresto sa nasabing wanted criminal ay kinumpirma mismo ni PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (BulPPO).
Ang pag-aresto kay Lagco ay naisagawa sa pamamagitan ng ipinatupad na warrant of arrest para sa krimeng New Anti-Carnapping Law (RA 10883) na inilabas ni Judge Hon. Elenita N.E. Macatangay-Alviar ng Regional Trial Court Branch 12, Malolos City, Bulacan.
Dagdag pang ulat, na lima ring pinaghahanap ng batas ang arestado sa inilatag na manhunt operations ng tracker teams ng 1st PMFC, San Jose Del Monte, Hagonoy, Baliuag, at Malolos C/MPS.
Arestado sila sa mga krimeng murder, rape, paglabag sa RA 10591, at reckless imprudence resulting in double homicide, physical injury, at damage to property.
Samantala, limang indibiduwal na isinasangkot sa droga ang arestado sa ikinasang buy-bust operations ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Angat, Pandi, Sta. Maria, at Baliuag C/MPS.
Nakumpiska sa mga suspek ang kabuuang 17 pakete ng pinaghihinalaang shabu na may DDB value na Php 17,804.00, drug paraphernalia, at buy bust money.(Micka Bautista)