RATED R
ni Rommel Gonzales
MAPALAD si Jeremiah Tiangco, grand champion sa season 2 ng The Clash noong 2019 at mainstay ngayon ng All-Out Sundays, dahil halos bukas na muli ang ekonomiya na halos tatlong taong nagsara dahil sa Covid-19 pandemic.
Isa sa mga nahinto ay ang live shows, pero ngayon ay nagbabalik na nga with live audiences.
Kaya naman bilang singer ay natupad ang isa sa mga pangarap ni Jeremiah, ang pagkakaroon ng una niyang major concert sa Sabado, April 15 na gaganapin sa Music Museum, ang Dare To Be Different na guests niya sina Christian Bautista, Jessica Villarubin, Garrett Bolden, Vilmark Viray, Mariane Osabel, This Band, The Viktor Project, Rob Deniel, Magnus Haven, at Ken Chan.
Si Jeremiah ang direktor ng kanyang sariling concert katuwang si Lee Junio Gasid.
Pahayag ni Jeremiah tungkol sa kanyang live concert na may live audience, “Hala, sobrang nakaka-thrill! Nakaka-blessed dahil nandiyan ‘yung mga taong nakasuporta sa akin. Hindi ko alam na… alam niyo kasi dumating din sa time na parang, ‘Ha! Visible pa ba ako?’
“Well siyempre struggle ng maraming artist din ‘yan, so roon ko napatunayan na ang dami pa palang nakasuporta sa akin, ang dami pa palang nagmamahal sa akin.
“At the same time iyon, dagdag silang inspirasyon sa akin, sa concert na ‘to, na hindi ako tumgil para ma-push ‘tong concert na ‘to.”
Dagdag pa ni Jeremiah tungkol sa nararamdaman niya sa una niyang major concert.
“Hindi ko po alam magiging reaction ko talaga, iniisip ko pa lang, baka maiyak ako, sa sobrang tuwa, siguro mixed emotions,” sinabi pa ng Sparkle male singer.