Labinglimang kilo ng cannabis sativa o marijuana na umaabot sa halagang Php 1,700,000 ang nasamsam sa dalawang drug peddlers na sangkot sa bulto-bultong pagkakalat ng marijuana sa Bulacan kasunod ng buy-bust operation kahapon sa private parking lot sa Barangay Balili, La Trinidad, Benguet.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala ng operating teams na sina Marion Tinapen Asislo, alyas Richard, 35, mula sa Sasaba, Santol, La Union; at Amado Paycao y Anatel, 40, na nakatira naman a Bay-o Sasaba, Santol, La Union.
Ang mga nadakip ay sangkot sa bulto-bultong pagkakalat ng marijuana sa Bulacan at karatig-lalawigan sa Central Luzon, ayon sa PDEA Bulacan Provincial Officer.
Ang pinabitag na operasyon ay nagbunga sa pagkakumpiska ng 14 na piraso ng tape-wrapped tubes na naglalaman ng humigit-kumulang sa 15 kilos ng pinaghihinalaang tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may street value na Php 1,700,000.00; at marked money na ginamit ng poseur buyer.
Ang operasyon ay ikinasa ng magkasanib na mga operatiba na pinamumunuan ng PDEA Bulacan Provincial Office at PDEA CAR.
Ang mga nakumpiskang piraso ng ebidensiya ay dadalhin sa PDEA-CAR Laboratory Section para sa forensic examination.
Naaangkop na mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o kilala rin sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)