AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAGING “crime free” ang Quezon City.
Iyan ang isa sa hangad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte simula nang maupo siya sa lungsod bilang ina ng lungsod. E sino nga ba naman ang ina na gustong malagay sa kapamahakan ang kanyang mga anak? Mayroon ba? Wala!
Kaya naiintindihan natin ang pangarap ng alkalde pero, kung titingnan natin…sa panahon ngayon ay napaka-imposibleng marating ang pangarap ni Mayor Joy lalo na’t masasabing kaliwa’t kanan din kumikilos ang masasamang loob sa lungsod.
Marahil ay magiging hanggang pangarap lang ito at talagang hindi matutupad kung si Mayor Joy lang ang kikilos. Tama! Kailangan mayroon siyang katuwang. ‘Ika nga ni Mayor Joy, mararating niya ang pangarap na ito para sa mamamayan ng lungsod at hindi para sa sarili, sa tulong ng Quezon City Police District (QCPD) at lokal na pamahalaan at mga barangay.
Bilang matagal-tagal nang mamamahayag na nagkokober sa lungsod — sa mga kaganapan sa QCPD at lokal na pamahalaan. Nasaksihan natin ang walang humpay na pagtulong ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang kampanya o programa ng QCPD laban sa kriminalidad sa lungsod para sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng bawat residente ng lungsod.
Kaya simula nang maging alkalde si Belmonte, ang lahat ng programa ng QCPD ay kanyang siyento por siyentong sinusuportahan para maisaturapan ang lahat para makamit ang pangarap na QC Crime-Free.
Sa iba, marahil ang kanilang reaksiyon ay malabong makamit ang pangarap ni Mayor Joy pero ang isang lider na may political will, masasabing walang imposible – “kayang-kayang abutin ang bituin.”
Katunayan, unti-unti nang nakakamit ang pangarap para sa mamamayan ng lungsod makaraang ihayag kamakailan ng QCPD na pinamumunuan ni Police Brig. General. Nicolas Torre III ang malaking pagbaba ng krimen sa lungsod. Oo, sabi ni Gen. Torre III malaking ang ibinaba ng krimen sa unang tatlong buwan ng 2023.
Partikular na bumaba ay ang patayan — murder at homicide, physical injury, panggagahasa, holdapan, pagnanakaw, pagtangay ng sasakyan – kotse at motorsiklo.
Sa datos ng QCPD, naitala ang 139 kasong pasok sa walong indexcrimes noong Marso, mas mababa ito kompara sa 160 noong Enero at 161 noong Pebrero.
Kung pag-uusapan din ang mga naresolbang kaso, aba’y hindi matatawaran ang hakbangin dito ni Gen. Torre III bunga ng pagkakaisa at pagkilos ng kanyang mga opisyal at tauhan.
Uli, base sa datos ng pulisya, nakapagtala ang QCPD ng Crime Solution Efficiency na 93.75% noong January, 93.79% noong Pebrero, at 90.65% noong Marso, para sa average na 92.73% sa unang bahagi ng 2023. Malinaw sa ulat na tumaas ang porsiyento ng mga naresolbang kaso na inilapit sa QCPD.
Anang ama ng pulisya ng lungsod, si Gen. Torre III, nakamit ang lahat dahil sa pagkakaisa ng QCPD at lokal na pamahalaan.
Isa sa nakita ng QCPD na malaki ang naiambag sa kampanya laban sa krimen ay ang pagpapalakas sa QCitizen Helpline 122, ang emergency hotline na binuo ng alkalde.
Ang QCitizen Helpline 122 ay binuo para magbigay ng tulong tuwing may emergency o reklamo ang ating QCitizens.
Higit din sa lahat ay ang mabilis na pagresponde ng QCPD sa tulong ng Integrated Command and Control Center (IC3), patuloy na pagsasagawa ng simulation exercises, at monitoring ng crime-prone areas sa siyudad.
Ang bilis ng responde ay umaabot lang hanggang tatlong minuto, yes sa loob ng three minutes, agad na nakararating ang responde saan mang lugar na inireport sa kanila ng caller o nagrereklamo.
Pinatunayan ito sa atin ni Gen. Torre III kung saan habang nasa loob kami (kasama ang ilang mamamahayag) sa IC3 ng QCPD sa Kampo Karingal. Pinapili kami ng lugar kung saan sa QC ang gusto namin parespondehan…kung baga, lumalabas na parang kami ang tumawag at humingi ng tulong sa IC3. Pinili namin ang isang lugar sa shorthorn sa Project 8, QC.
Hayun, pagtanggap sa tawag, inorasan namin matapos na itawag agad sa radyo ng IC3 ang reklamo. Wow! Napahanga ang lahat. Makalipas ang tatlong minuto ay nasa lugar na ang responding team. Inulit namin ito baka kasi tsamba lang…pero hindi, talagang sa loob ng tatlong minuto ay nasa lugar na ang responding team.
Mabilis ang responde dahil sa halos bawat sulok o sa mga sensitibong lugar sa lungsod, ikinalat ang mga pulis. Isa pa sa may malaking tulong ng crime monitoring at pagresponde ng QCPD ay ang pagpapalipad ng mga QCPD drone sa lungsod.
Kaya sa hakbanging ito ng QCPD – ang three minutes crime response, maraming napahiya lalo na ang ibang distrito ng pulisya sa Metro Manila napakaimposible raw ang 3-minute response.
Ang masasabi naman natin sa mga nagtataas kilay na hindi naniniwala sa 3-minute police crime response ay walang imposible sa taong nagpupursige o opisyal na may political will. Kung nagawa ng QCPD na naging dahilan para malaki ang ibinaba ng krimen sa lungsod sa loob ng unang tatlong buwan ng 2023, walang dahilan naman para hindi ito magawa ng ibang distrito…iyon lang kung mayroon silang puso para sa paglilingkod sa mamamayan.
Hindi na nakapagtataka kung bakit laging nakukuha ng QCPD ang best police district kada taon sa tuwing isineselebra ang anibersaryo ng National Capital Regional Office (NCRPO). Kaya malamang sa malamang na makukuha uli ito ng QCPD o ni Gen. Torre III.
Ang pangarap naman ni Mayor Joy na Crime-Free QC ay masasabing hindi imposible at sa halip, posibleng-posibleng mangyayari ito. Political will lang talaga ang kailangan…at iyan naman ay mga katangiang kapwa na kina Mayor Joy at Gen. Torre sampu ng bumuo ng QCPD.