IBIBIDA ng Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 big winner na si Anji Salvacion ang kanyang mas matapang at mas kaakit-akit na imahe sa kanyang bagong single na Paraiso na mapaKIkinggan na simula Biyernes (Abril 14).
Dala ng upbeat track na una niyang proyekto sa ilalim ng Tarsier Records ang mensahe ng pagpapahalaga sa self-esteem at pagyakap sa sariling kahulugan ng paraiso. Ipinrodyus ng US-based producer na si Exale habang isinulat naman ng singer-songwriter na si Annie Lux ang awitin na tiyak magpapakita ng kakaibang musical style at paglago ni Anji bilang recording artist.
“Self-confidence right now is very hard to achieve because everybody in this generation is competing with each other. I just want to remind everyone that it’s not about competing, it’s about going with your own pace and that’s what the song really means to me, embracing one’s self, your body, your beauty, your skin, your everything, your personality, that’s what it’s all about,” sabi ni Anji.
Ikinuwento rin niya ang kanyang reaksiyon nang mapakinggan ang awitin sa unang pagkakataon.
“‘Yung pag-record namin sobrang nakatutuwa siya ‘cause when I first heard the song it made me confident about myself, it made me love myself even more so I want everyone to love themselves even more. If you’re hearing this everyone, love yourself,” saad niya.
Bukod sa pagiging “singing sweetheart ng Siargao” sa PBB, nakilala rin si Anji sa pagsali niya sa unang season ng Idol Philippines noong 2019. Mas naipakita naman niya ang talento sa pagkanta nang inilabas niya ang mga awiting Buo na naging bahagi ng teleseryeng Marry Me, Marry You, Keeps on Coming Back na napakinggan sa IWantTFC series na Unloving U, at Don’t Be Afraid na mula sa drama series na
My Sunset Girl.
Dagdag pa rito, isinulat din niya ang anim na awitin ng kanyang debut EP na Kasingkasing Dalampasigan na inilabas nitong nakaraang taon. Umani ang key track nitong Dalampasigan ng mahigit dalawang milyong stream sa iba’t ibang platforms habang pumalo naman sa mahigit 4.5 milyon streams ang kanyang EP sa Spotify.
Damhin ang mensahe ng Paraiso na mapakikinggan ngayong Biyernes (Abr. 14) sa iba’t ibang digital music platforms.