ARESTADO ang siyam na personalidad sa droga at apat na pugante sa isinagawang operasyon ng kapulisan sa Bulacan hanggang nitong Martes ng umaga, 11 Abril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, ipinahayag niya na tinatayang P55,304 ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng San Rafael, San Jose del Monte, Balagtas, San Ildefonso, at Malolos C/MPS mula sa siyam na drug suspect sa ikinasang drug bust operation sa Bulacan.
Kinilala ang mga suspek na sina Billy Joe Obedoza, Bryan Aligada, Gilbert Macale, Leonardo Hermano, Elmer Andres, Juan Paolo Cahalhal, Manolito Escalona, Mirna Ocampo, at Rogelio Dela Cruz Taway.
Samantala, nasukol ang apat na puganteng pinaghahanap para sa paglabag sa batas ng mga warrant officer ng Hagonoy, Marilao, Bulakan, at Meycauayan C/MPS.
Ayon kay P/Col. Arnedo, ang walang sawang anti-illegal drug offensive, matatag na pagtugis sa mga pugante, at solusyon sa anti-crime ay sumasalamin sa direktiba ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. para sa kaayusan at mahusay na komunidad sa publiko. (MICKA BAUTISTA)