AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA ARAW ng pagsisimula ng Semana Santa nitong nakaraang Mahal na Araw, nagsama-samang muli ang libo-libong mga residente ng Davao del Norte at mga elected LGU officials upang ang mahal na singil sa koryente, na katumbas ay perhuwisyong serbisyo, ay iapelang tapusin na.
Sa nakaraang Solidarity Rally, mahigit 5,000 mamamayan ay malinaw ang paghingi ng saklolo — Cong, Tulong!
Malakas ang sigaw para maipaabot ang kanilang tinig sa Kamara de Representantes na ibasura ang prangkisa ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO) at palitan ng ibang kompanya na kayang magserbisyo nang maayos at maningil nang tama.
Sa kanilang mga panaghoy, iginiit ng mga nagpoprotestang mamamayan sa Kamara na aksiyonan na ang House Bill Numbers 5077, 6740 and 7047, upang mawakasan na ang perhuwisyong serbisyo ng NORDECO.
Sa pananaw ng mga taga-Davao del Norte, ang mga nasbaing panukalang batas ang solusyon upang maiahon ang mga tagalalawigan sa tatlo hanggang limang beses kada araw na brownouts na hindi kayang solusyonan ng NORDECO.
Nauunawaan natin ang mga residente ng Davao del Norte sa paghingi ng saklolo upang magkaroon na ng makatarungang presyo ng koryente sa kanilang lugar, apelang tulong upang perhuwisyong brownouts araw-araw ay matigil na.
Hangaring mahinto ang perhuwisyong serbisyo ng NORDECO upang sila ay mas makasabay sa pag-ahon mula sa krisis na dulot ng nakaraang pandemya at hindi maiwanan sa pag-unlad ng mga karatig bayan. Patay-sinding napakamahal na koryente ay wakasan na upang hindi nadidiskaril ang pag-asenso ng mga pamilya at mga negosyo.
Hangad ng bawat pamilya na ang binabayarang koryente ay makatarungan ang presyo, hindi na patay-sinding sumisira sa kanilang mga appliances na pinaghirapang ipundar, liwanag na hindi aandap-andap, ginhawa laban sa init ng panahon. Pakiusap ng mga pamilya “Cong, Tulong!”
Hangarin ng mga negosyo ay mabawasan ang gastos sa koryente at may maaasahang sapat na supply nito, hindi lamang upang umunlad, kundi para mapanatili o mas maparami pa ang trabaho para sa mga mamamayan. Apela ng mga negosyante “Cong, Tulong!”
Makatuwiran ang kanilang apela dahil ito ang magbibigay daan upang ang mga estudyante sa paaralan ay makapag-aral nang mas maayos, upang mga pasyente sa ospital ay mas napangangalagaan at hindi nalalagay sa peligro, upang maliwanag na mga lansangan ay makatulong sa seguridad, upang malinis na tubig ay tuloy-tuloy ang daloy… at marami pang benepisyong resulta ng maayos na serbisyo ng koryente.
Sana marinig na ang kanilang panawagang “Cong, Tulong!”
Alang-alang sa kapakanan ng mga mamamayan, napapanahon na para ihinto ang kanilang kalbaryo at wakasan ang perhuwisyong serbisyo ng NORDECO.