Sa pinaigting na operasyon ng kapulisan ng Bulacan ay naaresto ang labingtatlong indibiduwal na pawang lumabag sa batas sa lalawigan kamakalawa.
Batay sa ipinadalang ulat kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, ipinahayag nito na sa mga serye ng anti-illegal drug operations na inilarga ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Rafael, Baliwag, Plaridel, Sta. Maria, at San Jose Del Monte C/MPS ay pitong personalidad sa droga ang nadakip.
Narekober sa mga suspek ang kabuuang 25 pakete ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may DDB value na Php 53,248.00, assorted drug paraphernalia, at buy-bust money.
Ang mga arestadong suspek at ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa angkop na pagsusuri, samantalang reklamong kriminal na paglabag sa RA 9165 ang isasampa laban sa kanila na ihahain sa korte.
Samantala, sa patuloy na manhunt operations ng tracker teams ng 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies sa Plaridel, Balagtas, at San Jose Del Monte C/MPS ay arestado ang anim na wanted persons.
Inaresto sila sa mga krimeng qualified theft, frustrated murder, slight physical injuries, at anti-violence against women and children (RA9262).
Lahat ng mga arestadong akusado ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting unit o police station para sa nararapat na disposisyon.(Micka Bautista)