AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAKALULUNGKOT ang nangyari nitong nakaraang linggo sa isang traffic enforcer ng Quezon City Traffic and Transport Management Department. Lingid sa ating kaalaman, isa sa puhunan ng isang enforcer sa pagtatrabaho sa lansangan ay ang kanyang buhay… at hayun, nangyari nga ang hindi inaasahang trahedya.
Kitang-kita sa akto sa kuha ng CCTV kung paano nagbuwis ng kanyang buhay si traffic enforcer Jeffrey Antolin. Ang kanyang pagkamatay ay maituturing na makabuluhan. Bagamat, sa bahagi ng kanyang pamilya, mahirap tanggapin ang sinapit ni Antolin. Mantakin ninyo, matinong nagpapatupad ng trabaho para sa bayan pero, ano…dahil lang sa isang iresponsableng driver, binawian ng buhay ang enforcer.
Pero ano pa man, hindi matatawaran ang pagbubuwis ng buhay ni Antolin…dahil kung hindi sa kanya ay tiyak na mas marami pa ang nadisgrasya maging ang bilang ng namatay.
Hindi nasayang ang buhay mo TE Antolin… isa kang bayani.
Nitong 23 Marso 2023, habang nagpapatupad ng kanyang trabaho si Antolin sa A. Bonifacio Avenue, Barangay Balingasa, QC, dakong 5:30 pm, hindi lang siya nahagip ng 14-wheeler truck kung hindi sinagasaan at nagulungan pa.
Bago ang insidente, nagmamando si Antolin ng daloy ng mga sasakyan sa lugar partikular sa bahagi ng pedestrian lane. Inaalalayan niya ang mga tumatawid sa pedestrian lane. Pinahinto niya muna ang mga parating na sasakyan para makatawid ang mga pedestrian pero hayun may isang ten-wheeler truck na minamaneho ni Joel Dimacali ng Tondo, Maynila ay naging pasaway. Imbes huminto ay patuloy sa pag- andar hanggang masagasaan si Antolin at saka siya huminto.
As usual, ang palusot ng driver ay nawalan siya ng preno…iyan naman ngayon ang iniimbestigahan kung may katotohanan ang alibi ng driver pero hindi pa rin siya lusot. Oo, kinasuhan na siya ng reckless imprudence resulting in homicide.
Pero bago pa tuluyang masagasaan si Antolin, nagawa pa niyang itulak at maligtas ang isang pedestrian na naka-bike upang hindi masagasaan. Hayun, sa pagliligtas sa nakabisikleta, doon na nasagasaan si Antolin. Talagang ibinuwis niya ang kanyang buhay.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan si Antolin pero hindi na umabot nang buhay dahil sa pinsala sa ulo at katawan. Ikaw ba naman ang masagasaan ng truck.
Nakalulungkot man ang nangyari kay Antolin, masasabing hindi nasayang ang lahat, lalo ang kanyang paglingkod sa bayan kung saan buhay ang kanyang ibinuwis. Kung hindi niya kasi ginagawa ang mga tamang paraan, marahil ay mas maraming buhay ang binawian ng buhay sa pangyayari.
Yes, hindi naman kagustuhan ng driver ang nangyari pero kung ang katuwiran niya ay nawalan ng preno…aba’y dapat bago inilabas ang truck sa garahe ay dumaan muna sa sinasabing mechanical inspection para matiyak ang seguridad. Anyway, baka sumailalim ito sa inspeksiyon at talagang aksidente ang lahat.
Sa iyo TE Antolin, isa kang bayani na dapat pamarisan ng mga kapwa enforcer lalo iyong makakapal ang mukha na pulos pangongotong lang ang alam. Isa kang bayani.
Bagamat, kinilala ni QC Mayor Joy Belmonte ang kabayanihan ni Antolin at hindi lang pinangakuhan ang pamilya nito ng mga kailangan suporta, materyal at pinansyal kung hindi…hanggang makamit ni Antolin sampu ng kanyang pamilya ang katarungan.