RATED R
ni Rommel Gonzales
SA panahon ngayon, normal na para sa mga veteran at senior stars ang matanong tungkol sa mabuti o pangit na asal ng mga younger star.
Kaya natanong si Amy Austria, isa sa cast members ng Hearts On Ice ng GMA, kung naka-experience ba siya ng mga nag-attitude na mga mas batang artistang nakatrabaho niya.
May ilan siyang nakatrabaho na co-stars na hindi nambabati kahit magkakasama sila sa iisang dressing room.
“Siyempre, ang ginagawa ko, kapag may ganoong mga bata, ‘O, halika hija, rito tayo, pag-aralan mo.’
“Maski nga ‘yung iba, hindi ako binabati, ako ang unang bumabati. ‘Hello.’
“Ako ‘yung nagri-reach out, kasi ang iba, baka hindi mo rin alam kung minsan baka nahihiya sila o natatakot sila. So, habang nagdi-develop ka ng bonding sa kanila, ng friendship sa kanila, ng relationship sa kanila, unti-unti maga-guide mo,” pahayag ng beteranang aktres.
Ayaw niyang sabihin kung sino, pero may isa ring deadma lang, pero kapag may handaan na sa set, okay na raw ito.
“Mayroon pang isa na may nakasama rin kami na ayun, hindi ka kilala. Alam naman niya kung sino ka, ganyan-ganyan.
“Pero kapag mayroong handaan na, mayroon kang…naku! Nakakahiya naman, sinasabi ko ito… may pagkain na, lalapit na, ‘yung ganoon.
“Palagi ‘yun, eh. Wala. Hindi ako nakita. Pero kapag mayroon nang pagkain, ‘lika, kain tayo! Ay, hello!” dagdag na kuwento ni Amy.
Kinausap naman niya itong co-star niya at pinaintindi, at mabuti nagkaayos naman sila.
“Parang kinausap ko siya minsan. Kasi nahihirapan ako… ‘pag magkatrabaho kayo, ang hirap magtrabaho nang hindi ka komportable sa isang tao.
“Ibig sabihin, tanggapin niya o hindi, nailalabas ko lang ‘yung nararamdaman ko. I mean, baka mamaya gawin sa iba, kawawa naman.
“Kinausap ko, ‘tapos inakap ko, ganyan. Nag-thank you naman siya,” saad ni Amy.
Sa Hearts on Ice, okay na okay ang mga kasama niyang young stars. Marespeto raw sina Ashley Ortega at Xian Lim na mga lead stars sa serye.
Napapanood ang Hearts on Ice sa GMA Telebabad pagkatapos ng Mga Lihim ni Urduja.