Sunday , December 22 2024

Mga kriminal sa QC, hindi umubra sa QCPD

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

KUNG inaakala ng mga kriminal tulad ng mga holdaper, gunrunner, drug courier, kidnapper at iba pang tulad nito, na dumarayo sa Quezon City ay natutulog sa pansitan ang pulisya ng lunsod – ang Quezon City Police District (QCPD), ito ay isang malaking pagkakamali dahil hindi lang 24/7 nagtatrabaho ang mga unipormadong awtoridad kung hindi higit pa.

Ganoon kadedikado ang QCPD sa kanilang sinumpaang trabaho para bigyan ng seguridad ang bayan o ang lungsod na kanilang binabantayan partikular ang mga mamamayan.

E bakit nga ba ganoon na lamang magbigay serbisyo sa lungsod ang mga kagawad at opisyal ng QCPD? Simple lang ang kasagutan diyan – ang lahat kasi ay depende din sa leadership ng hepe ng pulisya ng lungsod.

Kung ang lider ay tutulog-tulog sa pansitan o pakuyakuyakoy lang sa kanyang trono, tiyak na ang buong command ay maaapektohan – tatamarin din magtrabaho ang mga pulis sa iba’t ibang unit…at ang magiging resulta ay tataas ang krimen sa lungsod at tataas din ang bilang ng unsolved cases.

Pero dahil nga kakaiba si P/Brig. Gen. Nicolas Torre II, QCPD District Director, halos hindi na nagpapahinga sa pagtatrabaho, siyempre ang magiging resulta nito ay sisipagin din ang kanyang mga tauhan at opisyal.

Sa estilong ito ngayon ng QCPD, mabilis na nalulutas ng pulisya ang masasabing ‘malaking krimen’ sa lungsod o kung hindi man ay nasasawata ang mga binabalak na paghahasik ng dilim ng mga dumarayong kriminal sa lungsod.

Patunay ng kasipagan ng QCPD ay ang mabilis na pagkalutas ng mga nangyaring krimen nitong mga nagdaang buwan – ang pagbaril sa babaeng kawani ng Ombudsman, hindi lang nadakip ang gunman kung hindi naaresto rin ang mastermind sa krimen.

Ang kaso ng 79-anyos missing lola nitong Enero 2023, nang lumapit ang kaanak ng biktima sa QCPD ay agad na pinakilos ni Torre ang kanyang Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa pamumuno ni PMaj. Dondon Llapitan. Bumuo agad si Llapitan ng dalawang team para magsagawa ng malalimang imbestigasyon para sa ikalulutas ng kaso.

Hayun, sa pagkakakaisa ng QCPD ay nalutas ang krimen — hindi lang narekober ang bangkay ng biktima kung hindi, nadakip din ang utak ng krimen na isang wanted na taxi driver. Hindi lang siya ang nadakip kung hindi maging ang dalawa pa niyang kasabwat.

Sa pagkakalutas sa kaso ni missing Lola, hindi lang isa ang nalutas na kaso ng QCPD sa pagkakahuli sa mga salarin kung hindi nalutas din ang panghoholdap sa isang sangay ng Unioil gasoline station sa Quezon City kung hindi maging ang pagpaslang din sa isa pang babae na natagpuan sa Mexico, Pampanga. Umamin ang mastermind na sila ang nasa likod ng mga krimen.

At heto na naman ang QCPD, hindi talaga nagpapahinga — abot-kamay nila ang mga kriminal, saan man sila magtago. Isa sa pinakahuling mabilisang nalutas ng tropa ni Llapitan sa CIDU ay ang pagpaslang sa isang Indian national. Binaril at pinatay si Beant Singh nitong Araw ng mga Puso, 14 Febrero 2023.

Pinagbabaril at napatay ang biktima habang naniningil ng mga pautang sa kanto ng  Kagawad Road at San Mateo – Batasan Road, Barangay Batasan Hills, QC. Makaraan, mabilis na tumakas ang salarin nang matiyak na patay na ang biktima.

Siyempre, hindi nagpatumpik-tumpik ang QCPD sa krimen – agad inatasan ulit ni Torre si Llapitan na bigyan katarungan ang pagpaslang sa dayuhan.

Sa follow-up operation ng CIDU, ayon kay Llapitan nang malaman nilang ang gunman ay galing sa Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik, QC, agad niyang inatasan ang tatlong team leader ng binuong task force, sina P/Capt. Josep DR Valle; P/Capt. Darwin Pua, P/Capt. Edwin Sumale, at P/Lt. Morgan Aguilar.

Nitong Febrero 21, base sa nakuhang description ng suspek mula sa CCTV footages. Kinilala ng isang police asset ang suspek na nakatira sa Bougainvilla St. , Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik. Nakakuha pa ng info ang pulisya na sangkot ang ‘salarin’ sa gun for hire.

Mula Febrero 21, hindi na nag-aksaya ng oras ang grupo ni Llapitan sa lugar – inistambayan nila ito hanggang mamataan ang suspek makalipas ang dalawang araw. Febrero 23, dakong 2:45 pm, nadakip si Mark Darriel Lagarde makaraang lumabas sa kanyang lungga sa Bougainvilla St., nakuha sa suspek ang  isang Kalibre .380 (walang serial number).

Ayon kay Llapitan, sa oras na  iyon nang pagkaaresto, umamin si Lagarde sa krimen at ikinanta ang ‘utak.’

Aba’y may utak na naman pala sa krimen at hindi lang pala basta-basta simpleng krimen ang nangyari. May nagpapatay pala kay Singh….at hindi pala holdap ang motibo sa krimen.

Ikinanta ni Lagarde na inupahan siya ni Randy Almares Manalo, residente sa Talanay A., Batasan Hills, QC ng P20,000 para itumba ang biktima. Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang tropa ni Llapitan na nagresulta sa pagkaaresto kay Manalo dakong 3:30 pm sa Kagawad St. Nakuha kay Manalo ang isang granda. Itinanggi ni Manalo ang akusasyon sa kanya ni Lagarde.

Iyan ang QCPD noon at ngayon, sadyang pagdating sa trabaho ay halos hindi na nagpapahinga para sa seguridad ng mamamayan ng lungsod lalo para sa katahimikan at kapayapaan ng lungsod.

Siyempre, ang lahat niyan ay depende sa pamumuno ng District Director. Masipag, magaling, at mismong nangunguna sa lahat ng operasyon si General Torre… at higit sa lahat ay halos hindi na rin natutulog kaya resulta – ang mga tauhan at opisyal niya ay halos hindi rin nagpapahinga.

Hayun, sa loob ng isang linggo ay nakamit ni Singh at ng kanyang kaanak ang katarungan.

Congratulations again Sir Gen. Torre III sampu ng inyong mga tuahan at opisyal sa CIDU sa pamumuno ni Maj. Llapitan. 

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …