RATED R
ni Rommel Gonzales
MAGKASAMA sa Oras De Peligro sina Allen Dizon at ang anak niya sa tunay na buhay na si Crysten Dizon.
Kaya tinanong namin si Allen kung ano ang advantage na makasama sa isang pelikula ang sariling anak?
“Ah siguro parang, it’s a great experience dahil noong time na nag-start ako, ako lang, so ngayon mayroon na akong anak na parang gustong ma-experience ‘yung mga nagawa ko, nalaman nila ‘yung trabaho ko, kung paano ako magtrabaho.
“Na nalaman nila ‘yung gaano ka-importante ‘yung pagiging professional, and iyong malaking bagay na iyong ginugol kong time at effort sa showbusiness eh napakalaking tulong para sa kanila.”
Tinanong din namin si Allen, bilang ama, ano ang limitasyon niya sa kanyang anak pagdating sa mga eksenang gagawin nito sa harap ng kamera?
“Wala naman, ano lang, siguro mga lovescene wala pa, bata pa, 17 pa lang siya, eh.”
Kapag nasa tamang edad na si Crysten, papayagan niya?
“Oo naman, huwag lang grabe. Huwag lang may ipakikita.”
Ang susunod na pelikula ni Allen ay ang Pamilya Sa Dilim kasama sina Sunshine Dizon at Laurice Guillen na ididirehe ni Jay Altarejos.
Samantala, wala na palang dream role si Allen.
“Wala akong dream role eh, sabi ko nga, kung ano ang dumating na alam kong challenging para sa akin, gagawin ko.”
Tinanong naman namin si Allen kung ano ang nararamdaman niya na sabay ang showing ng pelikula nilang Oras De Peligro at Martyr Or Murderer na tungkol naman sa buhay ng mga Marcos family ngayong March 1?
“Ako okay lang. Para maraming palabas na pelikulang Pilipino, para alam natin, para ma-weigh ng tao, ‘Ito ba ‘yung totoo?’ Ito ba ‘yung hindi? Ito ba ‘yung buong katotohanan, ito ba ‘yung fake?’
“So at least ‘di ba malalaman natin doon kung ano ‘yung katotohanan talaga.”
Kung halimbawang alukin si Allen na gumanap bilang dating Presidente Ferdinand Marcos sa isang proyekto?
“Walang problema, walang problema,” ang mabilis na sagot sa amin ni Allen.
Kung si Darryl Yap, na director ng Martyr Or Murderer, ang magdidirehe?
“Ako naman. Ako artista ako, kumbaga kahit sino, kahit saan okay sa akin. Okay sa akin.
“Walang masamang tinapay sa akin.”
Gumaganap si Allen sa Oras De Peligro bilang si Dario na asawa ni Cherry Pie Picache bilang si Beatrice at anak nila si Sparkle male star na si Dave Bornea bilang si Jimmy.
Bukod kina Dave, Allen, at Cherry Pie ay nasa cast din sina Therese Malvar, Allan Paule, Mae Paner, Timothy Castillo, Alvi Siongco, Jim Pebanco, Nanding Josef, Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Elora Espano, at Gerald Santos.
Ito ay sa direksiyon ni Joel Lamangan at mula sa Bagong Siklab Productions ni Atty. Howard Calleja at sa panulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos.