WALONG PULIS, pito ang aktibong at isang retirado ang namatay sa insidente ng banggaan ng isang wing van at dalawang passenger van sa Purok 11, Brgy. Maputi, sa lungsod ng Naawan, lalawigan ng Misamis Oriental, nitong Sabado, 11 Febrero.
Kinilala ng Misamis Oriental PPO ang mga biktimang sina Marjun Reuyan, Jobille Lou Cañeda, Eric Generalao, Michael Ermac, Aaron Ticar, Arnill Manoop, at Eugene Ariston Lagcao, pawang may mga ranggong police staff sergeant.; at ang retiradong si Anito Abapo, na may kagayang ranggo.
Karamihan sa mga pumanaw ay nakatalaga sa Lanao del Norte PPO, habang si Ermac ay nakatalaga sa Iligan CPO.
Samantala, dinala ang sugatang mga pulis at ang driver at pahinante ng wing van sa magkakaibang mga pagamutan sa Misamis Oriental, lungsod ng Iligan, at lungsod ng Naawan.
Kinilala ng mga awtoridad ang driver ng wing van driver na si Benjamin Abubacar Modabpil, at kanyang pahinanteng si Jamaroddin Baganday.
Ayon kay P/Maj. Reynante Labio, OIC ng Naawan police, lumabas sa imbestigasyon na sumabog ang gulong sa harap ng wing van na nagresulta sa pagbangga sa dalawang van na may lulang 32 miyembro ng PNP kabilang ang retiradong pulis.
Ani Labio, patungong Cagayan de Oro mula Iligan ang wing van habang bumibiyahe ang mga van na may sakay na mga pulis mula Cagayan de Oro patungong Iligan.
Samantala, kinompirma ni P/Maj. Joann Navarro, tagapagsalita ng PRO, kasalukuyang kumukuha ng Public Safety Junior Leadership Course ang mga pulis sa Regional Training Center (RTC) 10 sa Brgy. Patag, sa nabanggit na lungsod.
Kinompirma rin ni Navarro na mayroong ‘privilege pass’ ang mga pulis mula sa RTC-10 na umuwi sa kani-kanilang bayan sa mga lalawigan ng Lanao del Norte at Misamis Occidental.
Gayondin, tiniyak ni PRO-10 Regional Director P/BGen. Lawrence Coop na mabibigyan ng kaukulang tulong ang mga biktima at mga pamilya ng mga namatay.
Dagdag ni Labio, naghahanda na ang Naawan police ng kasong isasampa laban sa driver ng wing van.