TULOY ang biyahe ng may 25,000 traditional jeepneys sa Metro Manila, base sa pasya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Lunes na palawigin pa ang kanilang prankisa.
Ang desisyon na palawigin ang mga prankisa ay napagkasunduan sa pagpupulong ng mga opisyal ng LTFRB para maiwasan ang posibleng kakapusan ng mga jeepney sa National Capital Region (NCR).
Ito ang ika-apat na pagkakataon na pinalawig ang mga prankisa, na dapat ay magpapaso sa 30 Abril ngayong taon.
Sinabi ni LTFRB chairman Atty. Teofilo Guadiz III, ang extension ay magbibigay ng mas mahabang panahon sa mga jeepney driver at operator na sumali o bumuo ng mga kooperatiba na kinakailangan sa ilalim ng jeepney modernization program ng gobyerno.
“We do not want to leave anybody so what we want is to have at least 95% on board if we continue this PUV modernization (program),” giit ni Guadiz.
“However, during the meeting, we will also discuss the possibility to fully implement the modernization program on areas where all jeepneys have already been modernized. But on areas where there are still jeepneys to be modernized, we will still stick to the traditional jeepney,” dagdag ng LTFRB chief.
Layunin ng programa na palitan ang mga tradisyonal na jeepney ng mga sasakyang pinapagana ng mas environment-friendly fuels.
Maaaring mag-aplay ang mga operator at driver para sa mga bagong prankisa, ngunit bilang bahagi ng mga transport cooperative.
Una rito, ilang jeepney driver ang umapela sa gobyerno na bigyan sila ng mas mahabang panahon para lumipat sa mga modernong jeepney. (ALMAR DANGUILAN)