NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na palalakasin ang ugnayan sa mga bansang nagsisilbing host ng overseas Filipino workers (OFWs).
Upang kilalanin ang kanilang mga kontribusyon sa bansa, sinabi ni FM Jr., poprotektahan at isusulong ng pambansang pamahalaan ang kapakanan at kagalingan ng OFWs at kanilang pamilya.
“Ang tanging maisusukli ko sa inyong hindi matatawarang kontribusyon sa ating lipunan ay masiguro ko ang inyong proteksiyon, ang inyong kalagayan, at ang kalagayan ng mga naiwan ninyong pamilya sa ating bansa,” sabi ng Pangulo sa kanyang vlog.
“Ang tanging maisusukli ko ay ang patuloy na pagpapatibay ng ating ugnayan sa mga kinatawan ng bawat bansang kinaroroonan ninyo ganyan ang pakay natin lagi. Gaya noong isang araw tinipon natin ang ambassador ng iba’t ibang bansa sa Palasyo,” dagdag niya
Nangako rin si Marcos Jr., sa kanilang mga anak ng scholarship at housing programs para sa kanilang mga pamilya.
Ipatutupad aniya ang upskill at reskill OFWs para makagawa ng highly skilled at globally competitive na manggagawa. (ROSE NOVENARIO)