SUGATAN ang dalawang lumahok sa barikada kontra ilegal na pagmimina na binuo ng mga residente ng isla ng Sibuyan, sa lalawigan ng Romblon, nang sila’y buwagin ng mga awtoridad nitong Biyernes, 3 Pebrero.
Ayon sa grupong makakalikasan na Alyansa Tigil Mina (ATM), bumuo ang mga residente ng isla ng human barricade upang labanan ang ilegal na operasyon ng pagmimina ng Altai Philippines Mining Company na nabigong magpakita ng mga legal na dokumento sa mga nagpoprotesta.
Sa post sa kanilang Facebook page, sinabi ng ATM, sugatan ang dalawang Sibuyonon na nagtangkang harangin ang mga mining truck na makapasok sa kanilang pribadong pier habang tatlong truck na may lulang nickel ang nakalusot sa barikada.
Sa video ng ATM, makikita ang panunulak ng mga pulis upang buwagin ang barikadang binubuo ng mga residente kabilang ang paghila sa isang lalaking iniharang ang sarili upang huwag makadaan ang mga truck.