Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng batas dahil sa kasong panggagahasa sa kanyang pinagtataguan sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan nitong Martes, 31 Enero.
Ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng Bulacan PPO Provincial Inteligence Unit sa pamumuno ni P/Lt. Col. Jesus Manalo, Jr. sa Brgy. Duhat, sa nabanggit na bayan kung saan natunton ang kinaroroonan ng akusado.
Kinilala ang suspek na si Alfred Rensales, 22 anyos, residente ng Brgy. Tambubong, Bocaue na inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Corazon Domingo-Rañola, ng Malolos City RTC Branch 10.
Sa bigat ng kinakaharap na kaso na pinagtaguan niya ng mahabang panahon, walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ni Rensales.
Pansamantalang idinetine ang suspek sa custodial facility ng Bocaue MPS bago harapin ang kaso sa hukuman. (MICKA BAUTISTA)